Calendar
Source: File photo
Sotto gustong mabawasan siksikan sa mga piitan
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senate President Vicente Sotto III sa patuloy na paglala ng siksikan sa mga piitan ng Bureau of Corrections (BuCor), kung saan umabot sa 293 porsiyento ang congestion rate batay sa datos noong Oktubre 31, 2025.
Sa pagdinig ng panukalang pondo, sinabi ni Sotto na ang New Bilibid Prison na may kapasidad na 5,678 PDLs ay may 21,996 na nakapiit. Ganito rin ang sitwasyon sa mga pasilidad sa Palawan, Davao at Correctional Institution for Women. Tinanong niya kung ilang bagong istruktura ang kailangan at magkano ang kinakailangang pondo upang mabawasan ang siksikan.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sponsor ng BuCor budget, tinatayang ₱55 bilyon ang kailangan upang makapagtayo ng mga regional prison facilities. Sa panukalang 2026 budget, may ₱10 bilyon na alokasyon para sa BuCor, kabilang ang ₱676 milyon para sa konstruksyon ng mga gusali.
Binigyang-diin ni Sotto na inaatasan ng Separate Facility for Heinous Crimes Act ang pagtatayo ng hiwalay na kulungan para sa mga nahatulan ng mabibigat na krimen, kaya mas naging apurahan ang pangangailangan sa mga bagong pasilidad.

