Dog

Sotto idiniin wastong pag-alaga ng mga hayop para iwas rabies

129 Views

NANAWAGAN si Senate President Vicente C. Sotto III sa mga Pilipino na isulong ang responsableng pag-aalaga ng alagang hayop, at binigyang-diin na mahalaga ito sa pag-iwas sa rabies at pangangalaga sa kalusugan ng publiko.

Sa plenaryo, ibinahagi ni Sotto ang sarili niyang karanasan matapos makagat ng mga aso ng kanyang ama noong 1958 at 1959, kung saan kinailangan niyang sumailalim sa tig-27 iniksyon sa bawat insidente, o kabuuang 54 na iniksyon, sa San Lazaro Hospital.

“I was bitten by my father’s dogs in 1958 and 1959, and had to undergo 27 injections each time, 54 in total. Every ride to San Lazaro Hospital brought tears because of the pain,” ani Sotto kaugnay ng privilege speech ni Senador Mark Villar hinggil sa tumataas na kaso ng rabies sa buong bansa.

Ayon kay Villar, nananatiling halos 100 porsiyentong nakamamatay ang rabies kapag lumitaw na ang mga sintomas, kahit 100 porsiyento rin itong maiiwasan. Aniya, nasa 300 hanggang 400 katao ang namamatay taun-taon dahil sa rabies, habang umaabot sa humigit-kumulang apat na milyong kaso ng kagat ng hayop ang naitatala sa bansa.

Itinulak din ni Villar ang mas mahigpit na mga hakbang sa pag-iwas, kabilang ang pagtatatag ng veterinary clinic sa bawat lungsod at munisipalidad at pagsusulong ng adoption programs para sa mga ligaw at impounded na hayop.

Sinabi ni Sotto na mas hindi na masakit at mas mabisa na ngayon ang gamutan laban sa rabies kumpara noon, ngunit iginiit na nananatiling mahalaga ang pag-iwas dito sa pamamagitan ng responsableng pag-aalaga ng alagang hayop.

Ginugunita ng Pilipinas ang Rabies Awareness Month ngayong Marso.