Chiz

SP Chiz: Lisensiya ng ‘road rage’, mapanganib na driver bawiin

20 Views

NANAWAGAN si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na bawiin ang lisensya ng mga motoristang sangkot sa road rage at mapanganib na pagmamaneho, bilang hakbang para mapanatili ang kaayusan at disiplina sa mga kalsada ng Pilipinas.

Sa isang pahayag mula sa kanyang opisina, iginiit ni Escudero ang pangangailangan ng mas mahigpit na patakaran upang mapigilan ang karahasan sa lansangan at maprotektahan ang publiko.

“Naging uso na content sa social media ang video ng mga ‘kamote’ drivers pero sa totoo lang ay hindi nakakatawa o nakakaaliw ang kilos ng mga ito,” aniya. “Ang daming napeperwisyo at kadalasan nauuwi sa karahasan ang mga insidenteng ito.”

Binigyang-diin niya na ang pagmamaneho ay hindi karapatan kundi pribilehiyo, kaya kung walang disiplina ang isang motorista, dapat lamang na tanggalan ito ng lisensya. “Kapag walang disiplina ang motorista, dapat lang na tanggalan sila ng lisensya,” dagdag pa niya.

Tinukoy din ni Escudero na hindi sapat ang kasalukuyang parusa ng Land Transportation Office (LTO) na suspensyon ng lisensya sa loob ng 90 araw. Ayon sa kanya, hindi ito sapat na panakot upang pigilan ang masasamang asal sa kalsada.

Bilang isang motorista rin, binigyang-linaw niya ang lumalalang problema ng kawalan ng disiplina sa trapiko. “We need to have order on our roads. The lack of discipline among our motorists has become a serious issue. Drastic measures should be taken to restore order,” saad niya.

Sa kasalukuyan, ang salitang “kamote driver” ay ginagamit upang ilarawan ang mga motoristang padalos-dalos, agresibo, at walang disiplina sa kalsada. Karaniwan silang nakukunan sa dashcam o viral video habang gumagawa ng delikadong galaw tulad ng counterflow, biglaang pagliko, at pakikipag-away sa kapwa motorista.

Isa sa mga pinakakilalang insidente ng road rage ay ang nangyari noong 2023 sa Quezon City sa pagitan ng isang motorista at isang siklista. Umabot ito sa pambansang diskusyon tungkol sa trapiko at pananagutan ng mga may lisensya. Dahil dito, mas lumalakas ang panawagan ng publiko para sa mas mahigpit na parusa sa mga pasaway na driver.