Chiz

SP Chiz nagbigay ng mga opsyon sa Senate probe sa Duterte drug war

48 Views

KINUMPIRMA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na malaking hamon ang pagdinig sa war on drugs ng administrasyong Duterte kaya kokonsultahin niya ang mga senador kung paano isasagawa ang imbestigasyon.

Lumabas ang iba’t-ibang opinyon kung aling komite ng Senado ang dapat humawak sa imbestigasyon sa war on drugs.

Kabilang sa mga gustong manguna sa imbestigasyon sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go na may mahahalagang posisyon noong nakaraang administrasyon.

Plano ni Sen. Bato na imbitahan si dating Pangulong Duterte sa pampublikong pagdinig.

Isang resolusyon patungkol dito ang inihain ni Sen. Go, na dating special assistant ng dating pangulo.

Samantala, itinutulak ni Sen. Risa Hontiveros na mag-akto ang Senado bilang isang Committee of the Whole upang hawakan ang imbestigasyon upang hikayatin ang mga biktima at kanilang mga kaanak.

“Haharapin namin ito sa mga susunod na araw.

Option ang Committee of the Whole pero tinitignan ko rin ang ibang komite na pwedeng mag-handle nito maliban sa komite ni Sen. Bato.

Siyempre, may karapatan din si Sen. Bato at bahagi siya dun sa pagtalakay at pag-discuss ng bagay na ‘yun,” dagdag pa ni Escudero.

Isang opsyon na binanggit ni Escudero ang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano upang humawak sa imbestigasyon dahil sa kalikasan ng isyung tatalakayin.

May kapangyarihan ang Blue Ribbon Committee na magsagawa ng motu proprio investigations kahit na naka-recess ang Kongreso, ani Escudero.

Isa pang option ang Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ng Minority Leader na si Aquilino Pimentel Jr.

“Sumang-ayon naman si Sen. Bato sa payo ko kung kaya’t kinakausap ko ang aming mga kasamahan kung ano ang magandang paraan at komite na mag-handle nito,” sabi ni Escudero.

Tiniyak din ni Escudero na ang bawat senador na nais magsalita sa pampublikong pagdinig upang ipagtanggol ang kanilang sarili pahihintulutan na gawin ito.