Calendar

Spanish nat’l kalaboso sa BI dahil sa pananakit ng dyowa
INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) at Philippine National Police (PNP) noong Hulyo 16 ang isang Spanish national na akusado ng domestic abuse sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig.
Natiklo si Pablo Escudero Pardo, 56, ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa bisa ng mission order matapos siyang ireklamo ng pang-aabuso at panliligalig ng umano’y kinakasama niya na sinaktan at inabuso niya.
Batay sa tala ng BI, overstaying na sa bansa ang Kastila matapos mabigong mag-renew ng kanyang work visa na nag-expire noon pang 2021.
Binigyang-diin ni Commissioner Joel Anthony Viado ang paninindigan ng pamahalaan sa pagbibigay proteksyon sa mga Pilipinong biktima ng pang-aabuso mula sa mga banyaga.
“Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, pinagtitibay namin ang aming layunin na ipatupad ang batas sa imigrasyon nang walang kinikilingan—lalo na sa mga banyagang umaabuso sa kanilang visa o gumagawa ng hindi kanais-nais na gawain sa bansa,” sabi ni Viado.
“Ang mga banyagang gumagawa ng pang-aabuso ay haharap sa nararapat na parusa sa ilalim ng batas,” paliwanag ni Viado.
Nasa warden facility na ng BI ang Kastila.