Martin

Speaker Martin Romualdez inihayag na wala parin komunikasyon sa kaniya si Congressman Arnie Teves

Mar Rodriguez Mar 13, 2023
216 Views

INIHAYAG ngayon ni House Speaker Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na hanggang sa kasalukuyan ay wala parin komunikasyon sa kaniya si Negros Oriental 3rd Dist. Congressman Arnolfo “Arnie” A. Teves, Jr. na inaakusahang utak sa nangyaring pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Sinabi ni Speaker Romualdez na hanggang ngayon ay wala parin umano siyang natatanggap na komunikasyon mula kay Teves mula ng umapela siya sa nasabing kongresista para umuwi ng Pilipinas. Matapos mapaso ang ibinigay sa kaniyang travel authority para umalis ng bansa.

Gayunman, naniniwala at umaasa si Romualdez na susunod si Teves sa ibinigay nitong apela at paki-usap para bumalik na ng Pilipinas ang kongresista kasunod ng pagkakapaso ng kaniyang travel order noong nakaraang linggo na inihayag naman ni House Secretary General Reginald Velasco.

Subalit binigyang diin ng House Speaker na pagkatapos mapaso o mag-expire ang travel authority ni Teves. Hindi na otorisado o authorized ng Kamara de Representantes ang kaniyang pananatili sa labas ng bansa. Kung saan, ang mambabatas ay kasalukuyang nasa Estados Unidos (USA).

Ipinaliwanag ni Romualdez na kung ang pinangangambahan naman ni Teves ay ang kaniyang seguridad o kaligtasan. Nagsalita na aniya ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na handa nilang bigyan ng seguridad si Teves ngunit kailangan siyang mag-request.

Sinabi pa ng House Speaker na hindi maibibigay ng PNP ang seguridad na kailangan ni Teves kung nananatili itong nasa labas ng Pilipinas. Sapagkat kailangan muna nitong umuwi ng Pilipinas para mag-request ng “security personnel” na mangangalaga sa kaniyang seguridad.