Calendar
Speaker pinuri si PBBM
Matapos masungkit $120M kasunduan para sa skills training, dagdag trabaho para sa mga Pinoy
BINATI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si President Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos maselyouhan ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia na nagkakahalaga ng US $120 million.
Nasa 15,000 Pilipino ang inaasahang magbebenepisyo sa ibibigay na skills training at dagdag na trabaho sa construction industry.
Nilagdaan ang kasunduan sa pagtatapos ng roundtable meeting ni Pang. Marcos kasama ang mga pangunahing business leader sa Saudi sa St. Regis Hotel in Riyadh Huwebes ng hapon (oras sa Saudi) kasunod ng kaniyang pagdating sa Kingdom of Saudi Arabia.
Nasa KSA si Pang. Marcos Jr. para makibahagi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Gulf Cooperation Council Summit.
“The signing of this agreement is the product of our President’s tireless efforts in fostering economic ties with our partners in the international community and exemplifies his commitment to securing a brighter future for the Filipino people in line with his vision for a prosperous and globally competitive Philippines,” saad ni Romualdez
Ang naturang kasunduan sa pagitan ng Saudi firm na Al Rushaid Petroleum Investment Company at Samsung Engineering NEC Co. Ltd., at ang Filipino firm na EEI Corporation ay para sa planong pagtatayo ng isang training facility na may kapasidad na 500 sa Tanza, Cavite, na nagkakahalaga ng US $120 million
Layunin nito na linangin ang kasanayan ng mga Pilipino sa larangan ng masonry, carpentry, electrical, welding, equipment management, warehousing, steel fabrication, at iba pang skills na may kaugnayan sa konstruksyon.
Target nito na maisailalim sa training ang 2,000 Pilipino simula sa 2024 at kabuuang 15,000 sa susunod na limang taon.
“In a time when job creation and economic growth are paramount, this agreement will provide invaluable opportunities for our workforce,” sabi ni Romualdez kasabay ng paglalahad sa lumalaking demand para sa trabaho sa Saudi Arabia.
Matatandaan na nagkaroon ng bilateral meeting si Pang. Marcos at Saudi Crown Prince at Prime Minister Mohammed bin Salman (MBS) noong November 2022 sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand. Matapos ito ay inanunsyo ng Pangulo ang pagbubukas ng oportunidad sa mga Pilipino upang makapagtrabaho sa Saudi.
Sinabi ni Pang. Marcos na plano ng Saudi na kumuha ng mas maraming banyagang manggagawa sa mga susunod na taon bunsod ng pag-usbong ng sektor ng konstruksyon nito.
Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang malaking ambag ng iba pang opisyal ng pamahalaan at lider ng mga negosyo na nagtulak para selyuhan ang kasunduan.
“The House of Representatives will remain steadfast in its support of the administration’s initiatives to ensure that the benefits are felt by all Filipinos,” wika ni Speaker Romualdez
Muli ring tiniyak ni Speaker Romualdez na ipapasa ng Kamara ang mga kinakailangang batas at ipatupad ang oversight function nito para matiyak ang matagumpay na pagsasakatuparan ng mga nakuhang kasunduan at makahikayat pa ng mas maraming foreign investment na makatutulong sa hangarin ng administrasyong Marcos na mapagbuti ang buhay ng mga Pilipino.