Calendar
Speaker Romualdez: 5 komite ng Kongreso mag-iimbestiga, papababain presyo ng bilihin
TUTULONG na ang Kongreso para mapababa ang presyo ng mga bilihin lalo na sa mga pagkain.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbuo at pagsama-sama ng limang komite ng Kongreso ay mag-iimbestiga kung bakit mataas pa rin ang presyo ng mga pagkain gayong mababa naman ang presyo nito sa farmgate at presyo sa pandaigdigang kalakalan lalo na ang bigas.
“Inatasan ko ang Committee on Ways and Means, Food and Agriculture, Trade and Industry, Food Security, at Social Services na alamin kung ang mataas na presyo ng bilihin ngayon ay dikta ng monopolya o smuggling”, ayon kay Speaker Romualdez.
Ayon pa sa lider ng mga kongresista, “halimbawa itong bigas, binawasan na nga ang taripa ng mga imported rice ng pangulo, at mababa din ang presyo sa world market, e bakit hindi bumababa ang presyo dito sa atin”.
Aniya “nasa 50 to 60 pesos pa rin ang kilo ng bigas. Dapat yung savings ng mga negosyante naipapasa sa mga mamimili di ba?”
Dagdag pa ni Speaker Romualdez, ito raw ang pakay ng “Quinta Committee” para alamin saan o sino ang nakikinabang sa tariff reduction at pagbaba ng presyo ng bigas sa world market, at mababang presyo sa farmgate.
“Wala tayong sasantuhin kung sino man yan ang nasa likod ng pagkontrol ng presyo ng bilihin…ating sasampahan ng price manipulation or smuggling”, dagdag pa ng Leyte Representative.
“Let this be an advance warning sa mga tusong negosyante na nagpapahirap sa mga ordinaryong mamimili,” pahabol pa ni Speaker. Romualdez.