Martin2

Speaker Romualdez: AFP modernization bibilis sa trilateral meeting

110 Views

Panukalang $2.5B security aid sa PH inihain sa US Senate

KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makatutulong ang makasaysayang trilateral summit nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., US President Joe Biden, at Japan Prime Minister Fumio Kishida upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Speaker Romualdez ang tulong at kooperasyong pangseguridad mula sa Amerika at Japan ay makatutulong sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas sa harap ng umiinit na tensyon sa West Philippine Sea dulot ng panghihimasok ng China sa Exclusive Economic Zone ng bansa (EEZ).

“The trilateral meeting presents a significant opportunity for strategic collaboration among like-minded allies in the Indo-Pacific region,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 miyembro.

“I am optimistic that the discussions between President Biden, Prime Minister Kishida, and President Marcos, Jr. will pave the way for enhanced cooperation in advancing our defense capabilities and ensuring regional security and stability,” dagdag pa nito.

Sa bisperas ng trilateral meeting, sinabi ni Speaker Romualdez na inihain nina US Senators Bill Hagerty (Republican) at Tim Kaine (Democrat), mga miyembro ng Senate Foreign Relations Committee, ang panukalang Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) na naglalayong gawing moderno ang alyansa ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng US ng security assistance sa Pilipinas.

Nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng $500 milyong Foreign Military Financing (FMF) grant assistance sa Pilipinas mula 2025 hanggang 2029 o kabuuang $2.5 bilyon.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maging moderno ang AFP upang epektibong matugunan ang mga hamon ng seguridad kasama na ang pagbabantay sa West Philippine Sea.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Marcos sa isang pahayag na tutugon ang Pilipinas at maglalatag ng countermeasure package sa ginagawang paggamit ng water canon ng China sa mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas na magdadala ng suplay sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

“By working closely with our allies, we can expedite the modernization of the AFP and enhance our ability to respond effectively to any potential threats to our national security,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez ang trilateral meeting ay isang oportunidad upang lalo pang mapalalim ang alyansa ng tatlong bansa at makatugon sa pagpapanatili ng kaayusan sa Indo-Pacific region.

Sinabi rin ng lider ng Kamara na sa hiwalay na high-level dialogue nong nakaraang taon, nagkasundo ang Amerika at Pilipinas na balangkasin ang Philippine Security Sector Assistance Roadmap (P-SSAR) upang matugunan ang pangangailangan na maging moderno ang depensa ng bansa.

Inaasahan na malalagdaan ang P-SSAR ngayong taon kung saan ang Amerika ang mamumuhunan para sa modernisasyon ng AFP at Philippine Coast Guard. Bukod sa pamumuhunan ay inaasahan na magbibigay din ng teknolohiya ang US.

Ayon kay Speaker Romualdez noong Nobyembre 2023 ay nabuo ang isang cooperation framework sa pagitan ng Pilipinas at Japan at pinirmahan ang pagbibigay ng 600 milyon Yen (US$4 milyon) na gagamitin sa pagbili ng bagong Coastal Radar System na magdaragdag ng Intelligence, Surveillance, and Reconnaissance (ISR) capabilities ng AFP.

“As we confront the challenges posed by aggressive actions in the West Philippine Sea, it is imperative that we stand united with our allies to uphold the rules-based order and defend our shared values and interests,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Muling inulit ni Speaker Romualdez ang pagsuporta ng Kamara sa mga inisyatiba kaugnay ng pagpapalakas ng kakayanang pangdepensa ng Pilipinas upang maitayugod ang soberanya at seguridad ng bansa.

“The House of Representatives has been proactive in ensuring that our Armed Forces are sufficiently and properly equipped to safeguard our nation while also prioritizing the welfare of both retired and active-duty personnel,” sabi ni Romualdez sa pakikipag-usap nito sa mga opisyal ng AFP.