DA Source: Department of Agriculture

Speaker Romualdez dineklara: Pagpapababa ng presyo pangunahing prayoridad ng PBBM admin

Mar Rodriguez Feb 22, 2025
26 Views
DA1
Source: Department of Agriculture

DAHIL nananatiling pangunahing banta sa ekonomiya ng Pilipinas ang inflation, gaya ng binanggit sa ulat ng Moody’s Analytics tungkol sa patuloy na pressure sa presyo at posibleng hadlang sa monetary easing, idineklara ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Sabado na ang pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagpapanatili ng economic stability ay mananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos.

“Ang pagpapababa ng presyo ay hindi lamang isang pangmatagalang layunin—ito ay isang agarang pangangailangan,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng 306-miyembrong House of Representatives.

“Kapag mataas ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin, direktang naaapektuhan ang bawat pamilyang Pilipino. Kaya’t tungkulin naming tiyakin na may sapat na suplay ng pagkain sa abot-kayang halaga,” pahayag niya.

Ayon sa pinakahuling economic data, bumaba sa 2.9 porsyento ang inflation noong Enero 2025, ngunit umakyat sa 4 porsyento ang food inflation, na nagpapakita ng kahinaan ng supply chain ng bansa.

Ayon sa Moody’s Analytics, nananatiling mataas ang panganib ng inflation dahil sa mga external factors gaya ng global trade frictions at mga panloob na hamon tulad ng pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.

Bilang tugon, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan ng balanseng diskarte—ang pagpapanatili ng maayos na monetary policy habang kumikilos upang palakasin ang lokal na produksyon.

“Ang paglaban sa inflation ay hindi lang trabaho ng Bangko Sentral. Dapat itong sabayan ng maingat na pamamahala sa suplay ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” paliwanag ni Speaker Romualdez.

“Ang layunin natin ay tiyakin na ang presyo ay hindi basta-basta nagbabago nang walang malinaw na direksyon. Kailangang gawing matatag at predictable ang ating food supply para sa kapakanan ng ating mamamayan,” dagdag niya.

Isa sa agarang tugon ng gobyerno sa food price volatility ay ang pagtatakda ng Department of Agriculture (DA) ng 55,000-metric-ton (MT) minimum access volume quota para sa pork imports, upang patatagin ang presyo ng baboy at tiyakin ang sapat na suplay.

Sa ilalim ng programang ito, 30,000 MT ay nakalaan sa meat processors, 10,000 MT sa traders at 15,000 MT sa DA para sa price stabilization. Mananatili ang taripa sa 15 porsyento sa loob ng quota at 25 porsyento para sa lampas dito.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Speaker Romualdez na habang maaaring makatulong ang importasyon sa panandaliang kakulangan, nakasalalay pa rin ang pangmatagalang food security sa pagpapalakas ng lokal na agrikultura.

“Ang importasyon ay isang pansamantalang solusyon, ngunit hindi ito maaaring maging pangmatagalang estratehiya,” aniya.

“Dapat tayong mag-invest sa modernisasyon ng ating agrikultura—mula sa pagpapalakas ng biosecurity measures sa pag-aalaga ng baboy hanggang sa pagpapahusay ng suplay ng pagkain ng ating mga livestock farmers. Kung hindi natin tutugunan ang ugat ng problema, mananatili tayong umaasa sa importasyon,” ayon kay Speaker Romualdez.

Ang pagsisikap na palakasin ang lokal na produksyon ay patuloy nang isinasagawa, sabi pa ni Speaker Romualdez.

Sa La Union at Pangasinan, 32 farmers’ cooperatives at local government units ang nakatanggap kamakailan ng 35 agricultural machines na nagkakahalaga ng P71.6 milyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.

Dahil tataas sa P9 bilyong taunang pondo ang ikalawang bahagi ng programa, ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kumpiyansa na ang mas epektibong mechanization ay magdudulot ng mas mataas na ani at mas mababang presyo ng pagkain.

“Hindi sapat ang basta lang magpamahagi ng makina. Kailangan nating tiyakin na may sapat na kaalaman at suporta ang ating mga magsasaka upang magamit nang husto ang makabagong teknolohiyang ito,” aniya.

“Kapag napalakas natin ang ating agrikultura, mababawasan ang ating pagdepende sa imported na pagkain at mas titibay ang ating ekonomiya,” pahayag niya.

Ipinapakita rin ng market data ang magkahalong galaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Bahagyang bumaba sa P54.18 kada kilo ang average retail price ng bigas noong unang bahagi ng Pebrero, kung saan bumaba ang presyo ng regular-milled rice ngunit bahagyang tumaas ang special rice.

Samantala, tumaas naman ang presyo ng karne, kabilang ang fresh pork kasim, kumpara sa nakaraang buwan.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na ang pabago-bagong presyo ng mga pangunahing bilihin ay nagpapatunay sa pangangailangan ng mas matibay na local supply chains at pangmatagalang market stabilization programs.

“Dapat nating baguhin ang ating paraan ng pagtugon sa presyo ng pagkain—hindi lang puro reaksiyon tuwing may pagtaas ng presyo,” aniya.

“Ang tunay na solusyon ay matatag na produksyon, episyenteng supply chain, at patas na kompetisyon sa merkado. Kailangan nating tiyakin na may access ang bawat Pilipino sa de-kalidad at abot-kayang pagkain,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Habang patuloy na hinaharap ng gobyerno ang mga hamon sa ekonomiya, tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na nananatiling pangunahing layunin ang paglaban sa inflation.

“Sa huli, ang pinakamahalagang tanong ay ito: ramdam ba ng bawat Pilipino ang pagbabago, ang bawat hakbang na ginagawa natin upang solusyunan ang ating mga problema?” ani Speaker Romualdez.

“Ang sagot diyan ay matatagpuan sa presyo ng pagkain, halaga ng kuryente, at gastusin sa araw-araw. Kaya’t hindi tayo titigil hangga’t hindi natin natitiyak na ang bawat Pilipino ay may mas maayos at mas abot-kayang pamumuhay.”