Calendar
Speaker Romualdez hinikayat ang mga awtoridad na sundan ang lead ng House Commitee on Agriculture and Food hinggil sa issue ng onion cartel
HINIHIKAYAT ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang mga awtoridad na sundan ang nabungkal na anggulo o lead sa isinagawang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa kontrobersiyal na issue ng “onion cartel” sa pamamagitan ng House Committee on Agriculture and Food.
Sinabi ni Speaker Romualdez na upang maging “airtight” o solido ang kasong isasampa laban sa mga personalidad na sangkot sa kontrobersiyal na onion cartel ay kinakailangang sundan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang naging lead sa isinagawang pagsisiyasat ng Committee on Agriculture and Food.
Ang pahayag ng House Speaker ay alinsunod naman sa naging pagkilos ni Marikina City 2nd Dist. Congresswoman Stella Luz Quimbo matapos nitong pangalanan ang tinatawag na “interconnected personalities at business entities” na posibleng sangkot sa pagpapataw o overpricing sa presyo ng mga agricultural products partikular na sa sibuyas.
Nananawagan din si Speaker Romualdez sa iba pang kinauukulan o concerned authorities bukod sa NBI at PNP tulad ng Philippine Competition Commission at Department of Agriculture na kailangan silang magtulungan para tuluyan ng mapuksa ang talamak na problema ng onion cartel dahil narin sa pagiging ganid ng ilang tiwaling negosyante na nasa likod ng nasabing modus.
“I call on the concerned authorities like the National Bureau of Investigation (NBI), the Philippie Competition Commission and the Department of Agriculture to stamp out this cartel and spare our people from further suffering caused by their unscrupulous trade practices,” ayon sa House Speaker.
Binigyang diin ni Romualdez na ang matinding imbestigasyon na ikinasa ng House Committee on Agriculture and Food ay naglabas na ng magagandang anggulo o lead na maaaring pagsimulan ng pagsasampa ng kaso laban sa mga personalidad na nasa likod ng onion cartel.
Sinabi pa ng House Speaker na maaari din sundan ng mga nasabing awtoridad ang lead ng Komite para sa pagsasampa ng solidong kaso laban sa mga sangkot sa onion cartel.
“By extensive hearings conducted by the House have already provided good leads which our authorities can follow to build an air tight case and prosecute those involved,” sabi pa ni Speaker Romualdez.