Gabonada House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr.

Speaker Romualdez hinimok magpasa ng batas na magtatayo ng Bagong PH tulong centers

Mar Rodriguez Aug 19, 2024
81 Views

HINIMOK si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magpasa ng panukalang batas upang makapagtayo ng Bagong Pilipinas Tulong Centers sa bawat lalawigan at lungsod para magpatuloy ang tagumpay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na maibaba ang serbisyo ng gobyerno sa publiko.

Sa panayam kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr. noong Agosto 19, sinabi ng Speaker na layunin ng summit na pag isahin ang mga tanggapan at ahensya ng gobyerno upang balangkasin ang “Bagong Pilipinas Bill.”

“We are proposing to the Speaker na ibalangkas ang batas na ‘Bagong Pilipinas Bill.’ Nandun ang pagpuput-up ng Bagong Pilipinas Serbisyo Centers, Bagong Pilipinas Tulong Centers,” ayon kay Gabonada.

“With that bill, masisiguro natin na magkakaroon ng tamang pondo, tamang sistema at tamang implementasyon ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair,” paliwanag pa ni Gabonada.

Isa si Gabonada sa mga opisyal na nangangasiwa sa pagpapatupad ng BPSF, kung saan may 1,500 opisyal at kinatawan ng pambansang pamahalaan ang naging bahagi sa tagumpay ng BPSF na bumisita na sa 21 lalawigan sa iba’t- ibang rehiyon sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 2.5 milyong pamilya ang naging benepisyaryo at umaabot sa P10 bilyong halaga ng programa at financial aid ang naipamahagi sa loob ng isang taon nang pasimulan ang proyekto.

Sinabi ni Gabonada na sa pamamagitan ng panukala, umaasa siya na mapaglalaanan ng pondo ang pagtatayo ng mga tanggapan ng BPSF Serbisyo at Tulong Centers sa bawat lalawigan.

Ayon pa kay Gabonada, malayo na ang nilakbay ng BPSF na sinimulan noong nakaraang taon.

“We started with a small target, sabi namin isang milyong Pilipino lang ang gusto naming matulungan. Pero as of one year na implementation ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, 2.5 million families na ang nabigyan natin ng benepisyo,” pahayag niya.

Binanggit pa ni Gabonada na ang tatlong araw na Agency Summit ang susuri sa mga kalakasan at kahinaan ng naisagawang BPSF.

Inaasahan din ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bingbong” Marcos Jr. , sa gaganaping Gabi ng Pagkakaisa Fellowship Dinner gayundin ang malaking bilang ng mga mambabatas mula sa Kamara de Representantes.

Inisyatibo ni Speaker Romualdez at ng mga kinatawan ng Kamara ang BPSF ayon na rin sa kautusan ng Pangulong Marcos.

Dadalhin sa Batangas, Cavite at Pangasinan ang BPSF.