Calendar
Speaker Romualdez ibinida pag-unlad ng PH sa larangan ng siyensa, teknolohiya, inobasyon
Sa pamumuno ni PBBM
IBINIDA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa international community ang mga nakamit na pagbabago ng Pilipinas sa larangan ng siyensya, teknolohiya at inobasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa kaniyang pagharap sa ika-149 Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland nitong Lunes (oras sa Switzerland), inihayag ni Speaker Romualdez ang pagtutulungan ng Pangulo at Kongreso sa pagsusulong ng siyensya, teknolohiya at inobasyon para sa pagpapaunlad ng bansa.
Bilang bahagi ng legislative priority ni Pangulong Marcos, binuo aniya ang National Innovation Council para masiguro na ang inobasyon ay nakapaloob sa mga prayoridad na hakbangin ng bansa para sa pagkamit ng sosyo-ekonomikong pag-unlad.
Ang konseho na pinamumunuan ng Pangulo ay mayroong susunding National Innovation Agenda and Strategy Document.
Nilalaman nito ang mga hangarin para sa pangmatagalang mithiin ng Pilipinas pagdating sa inobasyon at ang road map ng mga istratehiya sa kung paano pagbutihin ang innovation governance, pagpapalalim at pagpapabilis sa inobasyon at pagsasama ng public-private partnerships (PPP) para masigurong walang Pilipino ang maiiwan.
Pagbabahagi pa ng lider ng Kamara na nanguna sa delegasyon ng Pilipinas sa IPU Assembly, nakasuporta ang Kongreso ng Pilipinas sa 2030 Agenda for Sustainable Development at nakapagpasa ng mga batas para pag-ibayuhin ang innovation governance sa Pilipinas.
Kabilang dito ang Republic Act (RA) No. 11293 o Philippine Innovation Act, RA 11927 o Philippine Digital Workforce Competitiveness Act, at RA 10055 o Technology Transfer Act of 2009.
Sabi naman ni Speaker Romualdez, ang mga inisyatibang ipinatupad ay nagbunga ng mga resulta para sa bansa.
Mula pang-59 na puwesto noong 2023 ay umakyat ang Pilipinas sa ika-56 ngayong taon sa 2024 Global Innovation Index ng World Property Organization, na sumusukat sa innovation-based performance ng mahigit 130 na mga ekonomiya.
Kinilala rin sa naturang ulat ang Pilipinas bilang isa sa top innovation performers ng dekada na nakamit ang pinakamataas nitong ranggo na pang-50 noong 2020 sa kabila ng pandemiya.
Ipinaliwanag din niya ang naturang mga batas na pinayayabong ang siyensya, teknolohiya at inobasyon.
Tutugunan ng Digital Workforce Competitiveness Act ang kakulangan sa digital technology at kasanayan sa pamamagitan ng mga programa na magbibigay ng dagdag kaalaman sa mga Pilipino para makipagkumpitensya sa global labor market.
Titiyakin nito ang suporta sa digital workforce sa pamamagitan ng mga co-working facilities at pautang na may concessional terms.
Magpapatupad din ng mga training, skills development at certification program para sa digital career sa ilalim ng PPP.
Layon naman aniya ng Technology Transfer Act na isulong ang pagkakaroon ng paglilipat at komersyalisasyon ng intellectual property, technology at knowledge na resulta ng mga pagsasaliksik at development programs na pinondohan ng pamahalaan para sa benepisyo ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng 2023-2028 Philippine Development Plan, binigyang halaga ng pamahalaan ang innovation sa pagkamit ng mas malalim na pagbabago sa sosyo-ekonomikong pagbabago.
Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang PAGTANAW 2050, ang unang DOST-funded inter-disciplinal at trans-disciplinal project para sa isang nakatuong Science Technology Innovation Foresight and Strategic Plan.
Koleksyon ito ng mga nais makamit sa larangan ng science, technology at innovation sa pambansa at pandaigdigang aspeto, mga hangaring panlipunan, trans-disciplinary operation areas, at ang mga kasalukuyan at umuusbong na mga teknolohiya na mahalaga sa pagunlad ng bansa at nakaangkla sa mga pagnanais ng mga Pilipino.
“With all these legislation, policies and programs, in terms of innovation governance, the Philippines’ Global Innovation Index has been increasing over the last decade. In fact, the Philippines is recognized as one of the middle-income economies with the fastest innovation catch up,” sabi ni Speaker Romualdez sa mga dumalo sa IPU.
Mahalaga aniya ang science, technology at innovation sa pagtugon sa mga isyu na hinaharap ng mga maunlad at papaunlad pa lang na mga bansa.
“The complementary, interdependent nature of these three different concepts means that they must be considered as one: together science, technology and innovation serve as our guiding lights of hope,” sabi pa niya.
“They are our tools in addressing some of the most pressing issues we have today. They support us in achieving our sustainable development goals and in shaping future peace. They hold vast potentials to form and drive global solutions to the world’s problems,” sabi niya.
They are also “key drivers that enable and accelerate the global transformation towards prosperous, inclusive and environmentally sustainable economies in developing and developed countries alike. They are the pillars of sustainable development,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
“They have the strong potential to contribute to the achievement of almost all the sustainable development goals. They are the heart of international cooperation and global partnerships for development,” giit niya.
Nanawagan ang Speaker ng pandaigdigang kooperasyon para makamit ang mga magkakatulad na mithiin ng iba’t ibang bansa.
“As we continue to work for our respective nations’ sustainable development ambitions, we need as well to work hand in hand to achieve our common global goals. Let me then urge each one of us to foster collaboration, equity and responsibility. It is through this collaboration that we can harness the technological tools to be able to build a future not only more sustainable but more peaceful,” sabi pa nito.
Paghimok pa niya sa mga kasamahan na “take advantage of this potential of science, technology and innovation and utilize them fully and responsibly to be able to address the challenges in these modern times.”
“Let us ensure that innovations and technological advancements are accessible to all. Let us unite together and continue to cooperate for the betterment of the world we live in,” sabi pa niya.
Nakatuon ang limang araw na pulong ng IPU sa temang, “Harnessing Science, Technology and Innovation for a More Peaceful and Sustainable Future.”