Remulla1

Speaker Romualdez ikinagalak pagtatalaga kay DILG Sec. Remulla

95 Views

IKINAGALAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkakatalaga kay Cavite Governor Jonvic Remulla bilang Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ipinahayag din ni Speaker Romualdez ang kanyang buong tiwala sa mga kwalipikasyon ng gobernador at sa malawak na karanasan nito sa lokal na pamahalaan na pamunuan ang DILG.

“We are happy with Gov. Jonvic’s appointment as DILG Secretary. Bilang isang matagal na naging lokal na opisyal, alam niya ang tunay na pangangailangan ng ating LGUs, lalo na pagdating sa pamamahala, kapayapaan at seguridad,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang mahabang panahon ng paglilingkod ni Remulla bilang lokal na opisyal ng pamahalaan ay nagbigay sa kanya ng natatanging kwalipikasyon para sa posisyon.

“Sa tagal na niyang naglingkod sa Cavite, kilala niya ang bawat sulok at pangangailangan ng kanyang probinsya. Alam ni Gov. Jonvic kung paano pag-isahin ang lokal na pamahalaan at ang pambansang gobyerno para sa kabutihan ng bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez.

Pinuri rin ng lider ng Kamara ang paraan ng pamumuno ni Remulla na nagbunsod sa Cavite upang maging isa sa mga lalawigan sa Pilipinas na may mabilis na paglago ng ekonomiya.

Ipinahayag niya ang kanyang tiwala na ang estratehikong pananaw at makabagong diskarte ni Remulla ay magdadala ng kinakailangang reporma at mga pagbabago sa mga LGU sa bansa.

“Gov. Jonvic’s deep understanding of local issues, combined with his dedication to public service, will greatly benefit our LGUs nationwide. He knows what it takes to elevate local governance and to create a safe and secure environment for all Filipinos,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binigyang-diin pa ng mambabatas mula sa Leyte ang pagtutok ni Remulla sa kapayapaan at kaayusan, na naging mahalagang aspeto ng kanyang pamumuno sa Cavite.

Kumpiyansa rin si Speaker Romualdez na ang pamamaraan ni Remulla sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan ay magiging angkop sa kanyang bagong tungkulin bilang Kalihim ng DILG.

Kinilala rin ng lider ng Kamara ang mga pagsisikap ni Remulla sa paglikha ng mga polisiya na nagtataguyod ng kaunlaran, progreso sa ekonomiya, at malakas na pakikipagtulungan sa pagitan ng publiko at pribadong sektor sa Cavite, na binigyang-diin na ang mga inisyatibong ito ay maaaring epektibong maisakatuparan sa pambansang antas sa ilalim ng kanyang pamumuno sa DILG.

“Malaki ang ating tiwala na sa pamumuno ni Gov. Jonvic Remulla sa DILG, patuloy nating mapapaunlad ang ating mga lokal na pamahalaan,” ayon pa kay Speaker Romualdez.