Martin

Speaker Romualdez ikinararangal na tawaging kababayan si Brownlee

260 Views

ISA umanong karangalan para kay Speaker Martin Romualdez na tawaging kababayan si Philippine Basketball Association (PBA) award-winning American import Justin Donta Brownlee.

Ito ang sinabi ni Romualdez matapos na aprubahan ng House Committee on Justice ang panukalang naturalization ni Lee na magbibigay-daan upang makapaglaro ito para sa Gilas Pilipinas sa mga international competition.

“Mabuhay ka, Justin Brownlee. Ngayon pa lamang ay karangalan na sa akin na tawagin kang ‘Kababayan’ dahil sa dakila mong hangarin na maglingkod dala ang bandilang Pilipino,” sabi ni Romualdez.

Ang House Bill 825 ay akda ni 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero at inaprubahan sa mosyon ni Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga, Jr.

“Ngayong araw ay sinisimulan na natin dito sa Kongreso ang ‘Naturalization Process’ ng basketball player na si Justin Brownlee. Ito ay isang paraan ng paggagawad ng Filipino citizenship sa isang foreigner na nais kilalanin at makamit ang buong karapatan bilang isang Pilipino,” ani Romualdez.

Sa ilalim ng panukala, makukuha ni Brownlee ang Philippine citizenship kapag nanumpa na ito ng katapatan sa Republika ng Pilipinas.

“Bilang isang sports fan at supporter ng mga #AtletangPinoy, tayo po ay nagagalak sa pagnanais ni Justin Brownlee na maging isang ganap na Pilipino, at makasama sa Gilas Pilipinas na lalaban sa Fiba Basketball World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero,” dagdag pa ng lider ng Kamara.