Martin

Speaker Romualdez ikinatuwa pagbaba ng bilang ng mahirap na pamilya

Mar Rodriguez Nov 21, 2023
146 Views

IKINATUWA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbaba ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap at nakaranas na walang makain sa nakalipas na tatlong buwan.

Ayon kay Speaker Romualdez ang resulta ng survey ay nagpapakita na epektibo ang mga programa ng administrasyong Marcos laban sa kahirapan at kagutuman.

“We should all welcome and be happy about this piece of good news. It means that the intervention programs of President Ferdinand Marcos Jr., supported by the legislature, principally the House of Representatives, are working,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Sinabi ni Speaker Romualdez na dapat ituloy ng administrasyon at mga miyembro ng Kongreso ang mga programa, proyekto, at aktibidad na nakakatulong upang mabawasan ang mga mahihirap at nagugutom na mga Pilipino.

“We are committed to do all we can to improve the situation and make life better for our people,” saad ng lider ng Kamara.

Naniniwala si Speaker Romualdez na nakatulong ang mga hakbang na ginawa ng gobyerno sa pagbaba ng bilang ng mga pamilya na nagsabi na sila ay mahirap. Batay sa SWS survey ang bilang ng mga pamilya na nagsabi na sila ay mahirap ay bumaba sa 4.3 porsyento sa ikatlong quarter mula sa 5.9 porsyento noong ikalawang quarter.

“I believe that the improvement in the poverty numbers reflect the trickle-down effect of economic expansion, though we often say growth is not tangibly felt by our people. But somehow, they benefitted from it, because growth means more economic activities and additional income and job opportunities for our people,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

“The decision of President Marcos to put a price cap on rice and his campaign against price manipulation, profiteering, hoarding, and smuggling of agricultural products stabilized the prices of basic staples,” giit pa ng lider ng Kamara.

Sinabi ni Speaker Romualdez na tinulungan ng Kamara ang kampanya ng Pangulo sa pamamagitan ng paggamit ng oversight power nito upang mabantayan ang presyo ng pagkain at nagrekomenda ng solusyon laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Inilungsad din ni Speaker Romualdez ang programang CARD (Cash Assistance and Rice Distribution), upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagbigay ng ayuda ang CARD teams sa mga benepisyaryo sa Metro Manila. Laguna, Biliran, Davao de Oro, Leyte, Camarines Sur, at Ilocos Norte.

“Nabuo ang programang ito bilang sagot sa hamon ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na tumulong kung paano mabibigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang ating mga komunidad,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang CARD ay inilungsad sa 33 distrito sa Metro Manila at bawat distrito ay mayroong 10,000 benepisyaryo na nakatanggap ng hindi bababa sa P2,000 ayuda kasama ang 25 kilong bigas.

Target ng CARD na mabigyan ng tulong ang libu-libong Pilipino sa lahat ng distrito sa bansa.

Ayon sa survey ng OCTA Research, 12.1 milyong Pilipino ang nagsabi na sila ay mahirap, bumaba mula sa 13.2 milyon sa survey noong ikalawang quarter ng taon.

Nangangahulugan na mayroong 1.1 milyong pamilya na nakaranas ng pagginhawa sa kanilang buhay, ayon sa OCTA.

Sa survey naman ng Social Weather Stations, 9.8 porsyento ang nagsabi na naranasan nila na walang makain sa nakalipas na tatlong buwan, bumaba mula sa 10.4 porsyento.

Bumaba rin ang bilang ng mga nakaranas na walang makain mula sa hanay ng mga nagsabi na sila ay mahirap. Mula 10.8 porsyento noong Hunyo ay bumaba ito sa 7.7 porsyento sa survey noong Setyembre.