Martin

Speaker Romualdez inihirit evacuation center sa bawat siyudad, munisipyo

289 Views

NAGHAIN ng panukala si Speaker Martin G. Romualdez na naglalayong magtayo ng permanenteng evacuation center sa bawat siyudad at munisipyo.

Bukod kay Romualdez, ang panukala ay itinutulak nina House Committee on Accounts chairperson Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, kapwa kinatawan ng Tingog party-list.

Batay sa Global Climate Risk Index 2014, ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa mundo na may pinakamaraming taong nasasalanta at may pinakamalaking pinsala sa ekonomiya ang mga dumaraang kalamidad.

Ayon naman sa Hazard Management Unit ng World Bank noong 2005, ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa kung saan malaking bilang ng populasyon ang nakatira sa mga disaster prone area.

Tuwing may kalamidad, ang mga pampublikong paaralan umano ang ginagawang evacuation center ng mga apektadong pamilya.

“Schools however, are not equipped to accommodate evacuees since these lack the necessary facilities for displaced families,” sabi ng mga may-akda. “The education of children is adversely affected when displaced families cannot immediately vacate school premises because their houses have not yet been repaired or reconstructed.”

Sa ilalim ng panukala, magtatayo ng pamahalaan ng mga permanenteng evacuation center.

Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pangunahing ahensya na magpapatupad ng panukala sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Science and Technology (DOST), League of Cities of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at iba pang ahensya.