Martin4

Speaker Romualdez ipinagtaka pagtutol ni PRRD sa pag-amyenda sa Konstitusyon

165 Views

IPINAGTAKA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang tila pagbaliktad ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon na kanyang plataporma noong tumakbo ito sa pagkapagulo noong 2016.

Ayon kay Romualdez, ang isinusulong noong ng dating Pangulo ay baguhin ang sistema ng gobyerno at gawing federalismo.

Sa isang talumpati, sinabi ni Duterte na sapat ang kasalukuyang Konstitusyon at hindi umano ito dapat baguhin.

“Unang-una, baka nahirapan naman talaga si president Duterte kasi ‘yung plataporma kaya nanalo sya ay federalismo. Hindi lang ‘yang amendment ng economic provisions, ‘yan yung pagbabago nung buong sistema ng government,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

“Mukhang hindi nya nakayanan eh. Ngayon na may naglulunsad na magandang move for charter amendments, baka nakikita nya na ‘yung hindi n’ya nagawa ay magagawa. Baka mangyari na ngayon kaya sinisiraan nya,” dagdag niya.

Hindi naman inaalis ni Romualdez ang posibilidad na baka budol din ang pangako ni Duterte ng mangampanya ito.

“Baka binubudol-budol lang tayo nun. Kasi sabi nya, ‘yan ang basehan kung bakit sya naging presidente. Wala naman siyang ginawa na maayos,” tinuran ni Romualdez.

“Sinabi rin nya, ‘di ba, pinag-usapan kanina drugs na bigyan daw siya ng tatlong buwan. Eh anim na taon eh andami-daming drugs pa rin. Yung nangyari, andami nilang pinatay,” saad niya.

Pinayuhan ni Romualdez si Duterte na magingat sa kaniyang mga pahayag dahil marami rin aniya siyang dapat sagutin noong kaniyang termino.

“Kaya mag-isip-isip na lang muna sya. They are saying those who are in the glass houses should not cast stones. Baka hindi nya alam, marami syang kakulangan, di ba?” sabi ni Speaker Romualdez.