Rep. Elizaldy Co

Speaker Romualdez ipinakakalap P120B pondo para sa MUP pension

162 Views

MAHIGPIT ang kautusan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Committee on Appropriations at Ways and Means Committee na agad mangalap ng P120 bilyon para sa Pension Fund ng Military and Uniformed Personnel (MUP) ngayong taon.

Ipinaliwanag ni Speaker Romualdez na kailangan ng P3.6 trilyon ng gobyerno sa susunod na 30 taon para matugunan ang problema sa pension fund ng MUP tulad ng backlog at pagdami na taon-taon ng mga retirees.

Ayon sa lider ng Kongreso, “But this fund must self-generate tulad ng sabi ni Pangulong Marcos para hindi maubos and continue to grow beyond that 30 year period.”

Kasabay nito, nagpaalala rin naman si Romualdez na, “we have to take care of our troops and our unformed personnel for they keep our nation and our people safe everyday.”

Sa kanyang panig, sinabi naman ni House Appropriations Chairman Elizaldy Co na, “We need to raise P120 bilyon every year for the next 30 years to address the problem sa pension ng mga sundalo at pulis.”

“Base sa computation namin ni Ways and Means Chair Cong. Joey Salceda, P3.6 trillion ang kailangan para matugunan ang kakulangan sa pagbibigay ng pension sa MUP,” dagdag pa ng mambabatas.

Aniya, kukunin ang nasabing pondo sa mga savings ng pamahalaan at pagbabawas sa mga gastusin na hindi naman mahalaga.

“For now we are looking na it’s the GSIS (Government Service Insurance System) who will manage the fund,” ayon pa sa kinatawan din ng Ako Bicol Partylist.

“Rest assured na before the end of 2023, we will find a win-win solution for everyone,” pahabol ni Rep. Co.

Nauna ng pinanukala ng Department of Finance (DOF) na ikaltas sa mga sahod ng uniformed personnel ang pension nila, subalit umalma ang ilang miyembro ng AFP at PNP.

Matagal ng ipinapaalala ng DOF sa mga nagdaang mga pangulo, simula pa noong 2006, hinggil sa problemang ito matapos magsara ang Retirement Savings and Benefit System (RSBS) ng MUP dahil sa korapsyon ngunit hindi naman ito natutugunan.

Piniling harapin na ng Marcos administration ang isyung ito at inatasan ang kongreso na maghanap na ng pondo sa lalong madaling panahon.