Speaker Romualdez Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez isinulong mega task force na hahabol sa rice price manipulators

13 Views

ISINULONG ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbuo ng isang mega government task force na siyang hahabol sa mga price manipulator at mapagsamantalang negosyante.

“A call to immediate action is needed to force a decrease in rice prices for the benefit of the Filipino consumer,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag matapos lumabas sa imbestigasyon ng House quinta committee, na pinamumunuan ni ways and means committee chairman Rep. Joey Salceda ng Albay, ang sabwatan upang lumaki ang kita ng mga negosyante sa sektor ng bigas, kahit na mayroong sapat na suplay at pinababa ang taripa na ipinapataw sa imported na buwis.

Iminungkahi ni Speaker Romualdez na maging miyembro ng panukala nitong task force ang Department of Agriculture (DA), Department of Justice (DOJ), kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Trade and Industry (DTI).

Ang naturang task force ay dapat umanong bigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng inventory ng bigas sa mga warehouse, pagtingin kung sumusunod sa panuntunan at batas ang mga warehouse, at magpasara ng mga warehouse na hindi sumusunod.

Ipinanukala rin ni Speaker Romualdez na dapat magsumite ang task force ng buwanang ulat sa Kongreso upang mabantayan din ang kanilang ginagawa.

Sinabi ng lider ng Kamara na hindi nito maintindihan kung bakit nasa P50 ang kilo ng bigas gayong maraming suplay at ibinaba na ang taripa sa imported na bigas.

“The findings of the Quinta Comm expose a serious betrayal of public trust. The Filipino people are paying unnecessarily high prices for rice, which should now be at P35 to P40 per kilo due to oversupply and tariff reductions. This blatant manipulation is unacceptable,” giit ni Speaker Romualdez.

“We will not allow this exploitation to continue. The House of Representatives will dismantle this cartel, ensure accountability, and protect both consumers and our farmers,” saad pa nito.

Sa pagdinig ng quinta comm na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, nadiskubre ng mga mambabatas ang nakababahalang pattern ng price-fixing at hoarding na ginagawa ng rice importers at traders.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong oversupply ng bigas. Ang demand-supply ration umano ng bigas sa bansa ngayong taon ay 82.5 porsiyento, malayo sa 69.4 porsiyento noong nakaraang taon.

Kahit na maraming suplay ng bigas, ang presyo ng bigas sa unang bahagi ng nakaraang buwan ay nasa P49.44 kada kilo, o nagkaroon ng maliit na pagbaba mula P50.16-50.40 noong Oktubre.

Sinabi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na mayroong kumikita ng malaki kapag nananatiling mataas ang presyo kahit pa bumaba na ang taripa at maraming suplay ng bigas.

“Ang stocks ng bigas ay sobra-sobra, pero bakit hindi bumababa ang presyo? Malinaw na may sabwatan sa pagitan ng mga importer at trader,” sabi ni Quimbo.

Sa pag-aaral naman ni Salceda, ang presyo ng bigas ay dapat nasa P35 kada kilo dahil ang landed cost ng imported na bigas ay nasa P33.95 kada kilo lamang.

“Malinaw sa datos—ang tunay na presyo ng bigas ay dapat nasa P35 bawat kilo. Ang mataas na presyo sa merkado ay dahil sa manipulasyon,” sabi ni Salceda.

Tinukoy naman ni Agap Rep. Nicanor Briones ang RBS Universal Grains Traders Corp. at Sodatrade Corp.—na nag-angkat ng kabuuang 273,000 metriko tonelada ng bigas na maaaring kasama sa kumikita ng malaki sa bigas.

“Kung titingnan, iisa lang ang may-ari. Malinaw na ito ay isang sabwatan upang kontrolin ang merkado at pahirapan ang mamimili,” sabi ni Briones.

Sabi naman ni Quimbo, “Kung susumahin, P13 billion ang kinita nila mula sa pagbaba ng taripa pero hindi nila inilalabas ang mga stock. Kailangan nilang magpakita ng konsensya at ilabas ang bigas para bumaba ang presyo.”

Pinamamadali ni Speaker Romualdez sa quinta comm ang paglikha ng panukalang batas upang mas mapalakas pa ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Hinamon din nito ang DOJ at Philippine Competition Commission (PCC) na habulin ang nasa likod ng pagmamanipula ng presyo ng bigas.

“This is not just an economic issue—it’s a matter of food security and national stability. The House will use all its powers to hold these cartels accountable, protect our farmers, and bring affordable rice to Filipino households,” giit ni Romualdez.

“We will not stop until justice is served and the rice industry is free from corruption. The days of exploitation are over,” dagdag pa nito.

Nanawagan din si Speaker Romualdez sa DA na paigtingin ang pagbabantay nito upang masiguro na mayroong sapat na suplay sa merkado at maglabas ng stock nito kung kinakailangan para mapanatili ang presyo ng bigas.

“Ang bigas ay buhay. Hindi dapat ito maging laruan ng mga sakim na negosyante. Sisiguraduhin natin na ang bawat butil ay abot-kamay ng pamilyang Pilipino,” sabi pa nito.

Ang quinta comm ay nabuo sa pamamagitan ng House Resolution No. 2036 na akda ni Speaker Romualdez at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales.

Ito ay binubuo ng House committees on ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at special committee on food security. Si Salceda ang overall chairman ng quinta comm.