Martin

Speaker Romualdez itinutulak lifetime pension, benepisyo para sa Pinoy Olympic medalists

93 Views

BILANG pagkilala sa tagumpay ng mga Pilipinong atleta na nanalo ng gintong medalya sa Olympics at sa karangalan na kanilang naihatid sa Pilipinas, itinulak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga ito gaya ng lifetime pension.

Sinabi ni Speaker Romualdez na kakausapin nito ang mga miyembro ng iba’t ibang komite upang makabuo ng isang panukalang batas para sa benepisyong matatanggap ng mga Pinoy Olympic medalist.

“Ang karangalang hatid ni Carlos Yulo, Hidilyn Diaz at ang ating mga Olympians para sa ating bansa at sa sambayanang Pilipino ay hindi natin kailanman masusuklian, pero maaari nating kilalanin ang kanilang tagumpay sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo mula sa pamahalaan,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Isa na po dito ang pagbibigay ng lifetime pension sa lahat ng Filipino Olympic gold, silver at bronze medalists na nagdala ng karangalan sa ating bansa. Magsisimula ito sa edad na 40 o sa kanilang pagreretiro mula sa sports,” dagdag pa nito.

Ayon kay Speaker Romualdez, nais nitong magkaroon sila ng maliwanag at matiwasay na kinabukasan, kahit na sila ay nagretiro na sa isports.

“Sa pamamagitan ng hakbang na ito, nais nating bigyan ng katiyakan ang kanilang kinabukasan bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at tagumpay para sa bansa. The recognition doesn’t stop when they win medals, it will continue for the rest of their lives,” saad ng lider ng Kamara.

Kamakailan ay nasungkit ng gymnast na si Carlos Yulo ang dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics — isa sa floor exercise at isa sa vault.

Ang panalo ni Yulo ay sumunod sa naging tagumpay ni Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng gintong medalya sa Olympics na ginanap sa Tokyo, Japan.

Inatasan din ni Speaker Romualdez ang mga komite ng Kamara na repasuhin ang Republic Act (RA) No. 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” upang malaman kung kailangan na itong amyendahan para maging angkop sa panahon.

“Nais din nating amyendahan ang RA 10699 upang mapabuti at mapataas ang mga benepisyo para sa ating mga pinararangalang atleta at kanilang coaches,” sabi ng lider ng Kamara.

“Layunin natin hindi lamang magbigay ng pansamantalang gantimpala, kundi isang pangmatagalang suporta na makatutulong sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na kukunin ng Kamara ang saloobin ng mga atletang Pilipino gayundin ang kanilang mga coach sa pagtalakay sa panukala.

“Iimbitahan natin sa House of Representatives para sa konsultasyon ang lahat ng Filipino Olympians, ‘yung galing sa Paris at iba pang nabubuhay na Olympians,” sabi pa nito. “Sa ganitong paraan, mabibigyan natin sila ng karangalan at makukuha natin ang kanilang mga ideya kung paano pa mapapabuti ang sports development sa ating bansa.”

Gagamitin din umano ng Kamara ang oversight power nito para matiyak na naipatutupad ng tama ang RA 10699.

“Dapat suriin at tiyakin ang tamang implementasyon ng RA 10699, lalo na sa aspeto ng National Health Insurance Program (NHIP), Social Security System (SSS), at National Housing Authority (NHA),” wika pa ng lider ng Kamara.

“Walang atleta ang dapat magdusa o mapagkaitan ng benepisyo sa ilalim ng batas. Tinitiyak natin na ang kanilang mga karapatan at benepisyo ay makakamtan nang buo at tama,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.