Calendar
Speaker Romualdez: Kamara nakikipagtulungan sa Marcos admin para mapalaya 17 seafarers
NAKIKIPAGTULUNGAN ngayon ang Kamara sa Marcos administration para sa agarang pagpapalaya sa 17 Filipino seafarers na bihag ngayon ng mga Houthi rebels sa Yemen.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, “suportado ng Kamara ang mga hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa agarang pagpapalaya sa mga seaman natin”.
“Panay ang pag-uusap namin ng Pangulong Marcos hinggil sa nasabing problema, at sinabi ko na narito ang Kamara kung kailangan ng ehekutibo ng suporta para mapalaya na agad itong labingpitong kababayan natin”, ayon pa kay Speaker Romualdez.
Aniya, “nananawagan din tayo sa iba pang bansa na kondenahin ang pagdukot sa mga kababayan natin at magsama-sama o magtulungan para mapalaya ang mga Filipino seafarers”.
“Of course, samahan na rin natin ng dasal para sa kaligtasan ng mga seafarers na ito at sa kanilang pamilya na rin”, pahabol ng lider ng Kongreso.
Kita sa isang video footage na binihag nga ng mga rebelde ang lahat ng crew ng barko.
Paliwanag ng mga Houthi rebels, tinarget nila ang naturang barko dahil ito ay pagmamay-ari daw ng isang Israeli. Galit daw ang Houthin sa paglusob ng Israel sa Hamas.