Martin Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagbubukas ng deliberasyon ng plenaryo sa panukalang P6.352 trilyong national budget para sa 2025, umaga ng Lunes. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Kamara papanagutin mga opisyal na mali paggamit ng pondo ng bayan

77 Views

NAGBABALA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga opisyal ng gobyerno na hindi kukunsintihin ng Kamara de Representantes ang maling paggamit ng pondo ng bayan.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng deliberasyon ng plenaryo sa panukalang P6.352 trilyong national budget nitong Lunes, iginiit ni Speaker Romualdez na hindi palalagpasin ng Kamara ang pagmamaliit sa trabaho nitong bantayan ang badyet ng gobyerno upang matakasan ang kanilang pananagutan sa maling paggamit ng pondo.

“We cannot ignore the reality that there are those who seek to undermine our work — critics who speak of accountability while conveniently ignoring their own misuse of public funds,” ani Speaker Romualdez.

“To these individuals, I say, let us be clear: this chamber will not tolerate hypocrisy, nor will it stand idle in the face of such blatant disregard for public trust.”

“Hindi maaaring magturo ng daliri ang may sariling kasalanan. Sa harap ng Kongreso, lahat ay dadaan sa tamang proseso, at walang makakatakas sa pananagutan,” dagdag pa nito kasabay ng paggiit na itutulak ng Kamara ang may pananagutang paggastos.

Sinabi ni Speaker Romualdez na sa mahabang panahon ay sinusuri ng Kamara ang panukalang badyet upang matiyak na nakalinya ito sa prayoridad ng national government at para sa kapakanan ng mga Pilipino at hindi para sa pansariling kapakinabangan.

“Ang pera ng bayan ay hindi para sa pansariling pakinabang ng iilan. Tungkulin natin na tiyakin na bawat piso ay ginagamit para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” giit ni Speaker Romualdez.

Tiniyak ng Speaker sa publiko na mananatiling walang kompromiso ang Kamara sa pagtatanggol nito sa mabuting pamamahala, pananagutan sa pananalapi, at pagbibigay proteksyon sa pera ng mga nagbabayad ng buwis.

Nilinaw niya na walang indibidwal o espesyal na interes ang bibigyan ng hindi nararapat na pabor o konsiderasyon.

“This House answers to no one but the people. We will stand firm against pressure or influence, and we will guard every peso as if it were our own. The eyes of the nation are on us, and we will not fail them,” saad pa ni Speaker Romualdez.

“Walang makakalusot sa ating pagsusuri. Tayo ang boses at mata ng taumbayan, at sa kanilang pangalan, tayo ang magbabantay laban sa pag-abuso at korapsyon,” dagdag pa nito.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas sa pagbabantay sa pondo ng bayan at sinabihan ang mga ito na ang kanilang prayoridad ay ang sambayanang Pilipino at ang matiyak na tama ang paglalaan ng pondo at hindi ito naaabuso.

“As legislators, we are not only guardians of the national purse, but also stewards of the people’s trust. Every peso we allocate in this budget carries with it the sweat and sacrifice of millions of Filipinos, and it is our duty to ensure that these resources are spent wisely, effectively and with absolute accountability,” sabi pa ng lider ng Kamara.

Iginiit ni Speaker Romualdez na ang polisiya sa pagbabadyet ay para maabot ang fiscal discipline nang natutugunan ang pangangailangan ng mga tao.

“It reflects the aspirations of the nation and serves as a roadmap toward stability, progress and shared prosperity,” dagdag pa nito.

Sa pagbubukas ng debate sa plenaryo ng panukalang 2025 badyet, hinamon ni Speaker Romualdez ang mga miyembro ng Kamara na magtrabaho ng mayroong kumpiyansa at may pagmamadali upang maipasa ito sa tamang oras.

“Patuloy nating itaguyod ang responsableng pamamahala sa pondo ng bayan, palakasin ang ating ekonomiya, at itaguyod ang kaunlaran ng bawat Pilipino tungo są isang Bagong Pilipinas,” sabi pa nito.

“Together, we will deliver a budget that serves the best interest of the people, fulfills the goals of the eight-point socioeconomic agenda and contributes to the realization of the Philippine Development Plan 2023-2028,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.