Martin1

Speaker Romualdez: Kamara target tapusin pagtalakay sa P5.768T budget para sa 2024 sa loob ng 5 linggo

Mar Rodriguez Aug 10, 2023
172 Views

BINIGYAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng limang linggo ang Kamara de Representantes upang himayin at aprubahan ang panukalang P5.768 trillion national budget para sa 2024.

Kasabay nito ay tiniyak ni Speaker Romualdez na magiging bukas ang isasagawang deliberasyon at pakikinggan ang boses ng minorya sa Kapulungan.

Sa kaniyang mensahe sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing, binigyang diin ni Romualdez na sisiguruhin ng Kamara na bawat sentimo ng panukalang P5.768 trillion budget ay gagastusin ng tama.

Tiwala din ang lider ng Kamara na matatapos sa oras ang pambansang pondo lalo at maaga ito ng 20 araw sa deadline na itinakda ng Konstitusyon.

“Sisiguruhin natin na maipapasa natin ang 2024 general appropriations bill sa loob ng limang lingo lamang. Apat na linggo sa mga komite, at isang linggo sa plenaryo,” sabi ni Romualdez

“I am confident that the House of Representatives will be able to deliberate and pass the national budget on time and transmit the same to the Senate. I can assure everyone that the House of Representatives will not take a break until and unless we have passed this very important legislation,” dagdag pa ng lider ng 312-miyembro ng Kamara.

Hinikayat naman ni Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas na maging aktibo at makibahagi sa limang linggong pagtalakay sa budget.

“I call upon the members of this august body to actively participate in the budget deliberation, listen and respect everyone’s view, particularly the concerns of our colleagues from the minority, and reach a consensus that is beneficial to the country, especially the poor and marginalized among our people,” ani Speaker Romualdez.

Ipinaalala rin ni Romualdez na ang pagkakaroon ng Kamara ng “power of the purse” ay isang responsibilidad na busisiin ng mabuti ang panukalang pambansang pondo at tiyakin na makatutugon ito sa eight-point socioeconomic agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.

“The budget deliberations are a meticulous exercise that requires accuracy, objectivity, and most of all, transparency,” punto ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Marapat aniya na silipin mabuti ang budget proposal ng bawat ahensya gayundin ang mga programa at proyekto upang matiyak na maayos at tama ang magiging paggugol ng limitadong pondo.

“With utmost diligence, we will ensure that every centavo of the proposed P5.768 trillion budget will be judiciously spent,” sabi ni Romualdez.

“Obligasyon po natin na tiyakin na bawat sentimong buwis na ibinabayad ating mga kababayan ay magagamit nang tama at nararapat. Bawat sentimo nila, may serbisyong kapalit mula sa gobyerno,” dagdag pa ng Speaker.

Isasaalang-alang aniya ng Kamara ang tiwalang ibinigay ng mga Pilipino sa paghimay sa pambansang pondo.

“Together, let us be a champion of fiscal prudence, effective resource allocation, and transparent governance. Through our collective efforts, we will continue to uplift the lives of the Filipino people and pave the way for the Philippines with a brighter future,” sabi pa ni Romualdez.