Martin2

Speaker Romualdez: Kamara tinatrabaho mas mababang presyo ng bigas

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
122 Views

P10-P15 kada kilo ang presyo

TINATRABAHO ngayon ng Kamara de Representantes ang panukala na amyendahan ang Rice Tariffication Law upang makapagbenta muli ng bigas ang National Food Authority (NFA) na ang presyo ay mas mababa ng P10-P15 kada kilo kumpara sa commercial rice.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang panayam bago ito nagtungo sa Malacañang nitong Martes para kausapin si Pangulong Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng panukala.

Hihilingin umano ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos na sertipikahan na urgent ang pagpasa ng panukala upang agad itong maisabatas.

Ayon kay Romualdez target ng panukala na maibaba sa P30-level ang presyo ng bigas sa Hunyo.

“Ginagawa natin ito kasi sabi ng Presidente we have to find ways na ibaba natin ang presyo ng bigas. So ‘yung tinatarget natin na by June, we should bring the price of rice down by at least P10 or even P15, na close to P30 pesos kada kilo,” ani Speaker Romualdez.

“We will do this by having the NFA (National Food Authority) bring to the market affordable rice para sa lahat ng mamamayan na pwede silang bumili ng abot kaya na presyo na P30. So ito po ang maari nating mga amendments na pinapaspasan natin,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Umapela si Speaker Romualdez sa Senado na magpasa ng kaparehong panukala.

“Ito po ang gusto talaga ng ating Presidente na ibaba ang presyo ng ating bigas para sa mamamayan. So that’s our announcement because our committee on agriculture, aaraw-arawin nila itong mga hearing para ipasok itong mga amendments para magkakaroon tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa lahat,” sabi pa nito.

Bukod sa pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA na makapagbenta ng bigas, sinabi ni Speaker Romualdez na sinisilip din ang buwis na ipinapataw sa imported na bigas at ang pagpaparami ng bigas na binibili ng NFA sa mga lokal na magsasaka.

“Kagaya po ngayon kasi ang init-init ng panahon at saka ‘yung presyo ay tumataas, gagawa tayo lahat ng paraan at ito ang nakikita natin na napakaganda na bago mag sine die tatapusin natin ito sa Kongreso,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Muling iginiit ni Speaker Romualdez na prayoridad ni Pangulong Marcos na maibaba ang presyo ng bigas.

“Kasama po kami dyan sa urgency niyan kasi alam mo naman ‘yung ating mahal na Presidente ayaw na ayaw na mahihirapan ang ating mamamayang Pilipino, the consumers, and of course the rice buyers. Dapat magkakaroon ng tamang presyo ng bigas na abot kaya ng lahat,” dagdag pa nito.