Martin2

Speaker Romualdez: Mga naapektuhan ng Taal vog tulungan

183 Views

NANAWAGAN ngayong Biyernes si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Department of Health (DoH) at sa local government units (LGUs) na agad aksyunan at tulungan ang mga taong naapektohan ng abo mula sa Bulkang Taal o vog.

“Dapat tayong tumulong sa mga residente ng mga lugar malapit sa Bulkang Taal tulad ng Batangas, Cavite, Laguna, at pati na rin sa Metro Manila na malampasan ang pansamantalang problemang ito,” ayon kay Romualdez.

Sinabi niya na ang DoH at LGUs ay dapat magdistribute ng mga face mask at iba pang mga protective gadget sa mga residente na naapektohan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na natanggap niya ang impormasyon mula kay Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na ang DoH ay mayroon pa ring sapat na suplay ng face mask na na-procure noong pandemya ng Covid-19.

“Dapat nating protektahan ang mga residente mula sa abo at mga gas mula sa bulkan, at mula sa posibleng mga sakit sa baga,” tinukoy ni Speaker.

Pinakiusapan din ni Speaker and DOH na ipamahagi na ang N95 mask na naka-stock sa kanilang mga warehouse.

“Ito ay bahagi ng government purchase na mga facemask para sa Covid last year. So bago pa ito ma-expire next year, ipamahagi na sa mga kababayan natin lalo na yung mga mahihirap,” dagdag ni Romualdez.”

Ipinayo niya na kung wala pang available na face mask, maaari na lang mag-improvisa ang mga residente, tulad ng pagtakip ng kanilang mukha gamit ang tela.

Inatasan din ng lider ng 311-miyembrong Kapulungan ng mga Kinatawan ang DoH at LGUs na maghanda para sa posibleng mga problema sa paghinga dulot ng volcanic smog sa mga apektadong lugar.

“Kung mayroon silang mga gamot para sa mga sakit na ito, dapat nang ilagay ang mga ito sa mga lugar kung saan kinakailangan,” aniya.

Nitong Huwebes, may mga ulat na ang usok mula sa emissions ng Bulkang Taal ay kumalat sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, at Metro Manila, na nag-udyok sa mga awtoridad na itigil ang mga klase.

Nilinaw naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at ang air monitoring office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang smog na namamataan ay mula sa usok at gas na ibinubuga ng mga sasakyan.

Sinabi ng Phivolcs na ang mga emissions ng Taal ay umaandar pakanluran-kanluran at hindi patungo sa direksyon ng Metro Manila.