Martin1

Speaker Romualdez: Moratorium sa student loan malaking tulong sa maaapektuhan ng kalamidad

Mar Rodriguez Dec 6, 2024
45 Views

IKINALUGOD ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas na magbibigay ng moratorium sa pagbabayad ng student loans sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.

“The moratorium will be a big relief to students, both in public and private schools, including those run by local government units, in times of calamities, disasters, and similar emergency situations,” ani Speaker Romualdez.

Ayon sa lider ng mahigit 300 kinatawan ng Kamara de Representantes, nilalayon ng bagong batas na pansamantalang maibawas ang paghihirap ng mga estudyante na hinagupit ng kalamidad upang maituon ang kanilang atensyon sa pagbangon.

“This assistance, together with other forms of support the government would extend to them, would make recovery and return to normal life easier and faster for them,” aniya.

Dagdag pa ng lider ng Kamara, sa pamamagitan ng moratorium ay naipapakita ang pagtupad ng pamahalaan sa hangarin na mabigyan ng patas na oportunidad na makakuha ng kalidad na edukasyon ang lahay ng mag-aaral.

Sa ilalim ng bagong lagdang batas, sakop ng pagpapaliban ng mga pagbabayad ng student loan ang mga estudyanteng naka-enrol sa state universities and colleges, local universities and colleges, private higher education institutions, at pampubliko at pribadong technical-vocational na institusyon na ang tahanan ay matatagpuan sa mga barangay, bayan, lungsod, lalawigan, o rehiyon na isinailalim sa state of calamity o state of emergency na idineklara ng Pangulo o ng lokal na Sanggunian alinsunod sa mga kaugnay na batas, at tuntunin at regulasyon.

Ang mga kalamidad, sakuna, sitwasyon ng krisis at iba pang uri ng emergency ay maaaring pang nasyunal o lokal ang saklaw, gaya ng rehiyon, probinsiya, lungsod o munisipyo, barangay, at sa lebel ng komunidad.

Sakop ng pagpapaliban ng pagbabayad ay ang lahat ng uri ng bayarin, kasama ang interes, at iba pang mga singil sa mga pautang para sa higher education at technical-vocational education and training na natamo ng mga mag-aaral hanggang 30 araw pagkatapos ng deklarasyon ng state of calamity o estado ng emergency.

Kasama naman sa mga kondisyon para sa pagbibigay ng pagpapaliban sa pautang ng mag-aaral ang deklarasyon ng state of calamity o emergency; ang lugar kung saan pansamantala o permanenteng naninirahan ang estudyante ay apektado ng isang sakuna, kalamidad, emergency, o crisis situation; at ang nasabing mag-aaral o ang kanyang pamilya ay nagtamo ng pinsala o pinsala sa pananalasa ng naturang kalamidad, sakuna, emergency o krisis.

Sa loob ng animnapung araw mula sa pagiging epektibo ng batas, ang Commission on Higher Education at ang Technical Education and Skills Development Authority, sa pagsangguni sa Philippine Association of State Universities and Colleges, the Association of Local Colleges and Universities, the Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines at iba pang kahalintulad na institusyon at iba pang mga non-government stakeholder ay dapat maglabas implementing rules and regulations.

Magiging epektibo ito matapos ang 15 araw mula sa araw na nailathala ito sa Official Gazette o pahayagan na general circulation.

Pinag-isa ng bagong batas ang House Bill No. 9978 at Senate Bill No. 1864.