Calendar

Speaker Romualdez muling tiniyak suporta ng 3M botante ng Eastern Visayas sa Alyansa senatorial slate ni PBBM
TACLOBAN City – Muling tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang matatag na suporta ng mahigit tatlong milyong botante mula sa Eastern Visayas para sa mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“All out support ang Region 8 para sa Alyansa senatorial slate,” ani Speaker Romualdez sa mga mamamahayag sa isang ambush interview matapos ang Region 8 unity rally na pinangunahan ng Tingog Party-list nina Rep. Yedda K. Romualdez at Rep. Jude A. Acidre at ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) para sa senatorial slate ni Pangulong Marcos.
Kabilang sa Alyansa slate sina House Majority Leader Erwin Tulfo; dating Interior Secretary Benhur Abalos; Deputy Speaker Camille Villar; Makati Mayor Abby Binay; sina Senador Bong Revilla, Francis Tolentino, Pia Cayetano at Lito Lapid; sina dating Senador Ping Lacson at Manny Pacquiao; at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Nang tanungin tungkol sa bilang ng mga botante sa rehiyon, tumugon si Romualdez: “Over 3 million po dito.”
Ibinahagi rin niya na nakausap na niya si Pangulong Marcos tungkol sa nasabing rally.
“Of course, sinabi ko naman na andito tayo at nandito ‘yung ibang mga senatoriables at mga representante nila. Alam mo naman si Presidente, hindi lang Ilocano, kalahati ‘yan Waray,” ani Speaker Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD at isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).
Bilang pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ang pinakamatandang samahan ng mga legal luminaries sa bansa, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagkakamit ng “straight win” ng Alyansa slate sa rehiyon.
“Kaya syempre nagpapasalamat talaga siya, we are working na ma-deliver natin ‘yung ano niya na straight talaga ‘yung Alyansa,” ani Speaker Romualdez.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Speaker Romualdez sa tagumpay ng slate: “I’m hoping for it, but we will do everything we can.”
Dinaluhan ng libu-libong taga-suporta, lokal na opisyal at mga pinuno ng komunidad ang rally sa Tacloban City, na nagpakita ng malakas na suporta ng rehiyon para sa mga kandidato ng Alyansa.
Ang Eastern Visayas, na binubuo ng anim na probinsiya, ay may mahalagang papel sa pambansang halalan dahil sa malaking bilang ng mga botante.