Martin ROMUALDEZ NAG-FILE NG COC – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa tanggapan ng Commission on Elections sa Tacloban City at ipinaabot ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga mamamayan ng Leyte para sa kanilang patuloy na tiwala at suporta sa kanya. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez nag-file ng COC bilang Leyte 1st District Rep. sa ika-6 na termino

110 Views

NAGHAIN ng kanyang certificate of candidacy (COC) nitong Martes si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at muling tatakbo bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

Kung mananalo sa 2025 elections, ito na ang magiging ika-anim na termino ni Speaker Romualdez bilang kinatawan ng Leyte.

Inihain ni Speaker Romualdez ang kanyang COC kay Atty. Maria Goretti Canas, ang acting provincial election supervisor ng lalawigan ng Leyte.

Sa paghahain ng kanyang COC sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Tacloban City, ipinaabot ni Speaker Romualdez ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga mamamayan ng Leyte para sa kanilang patuloy na tiwala at suporta sa kanyang political career.

Si Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, ay isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa).

“Ang patuloy na suporta ng ating mga kababayan ang inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang ating nasimulan. Isa pong malaking karangalan ang magsilbi sa Leyte at sa buong bansa,” ayon kay Speaker Romualdez.

Kasama ni Speaker Romualdez sa paghahain ng kanyang COC ang mga matataas na opisyal ng lalawigan, kabilang sina Gobernador Jericho Petilla, Bise Gobernador Leonardo Javier, 2nd District Rep. Karen Javier at ang mga alkalde mula sa mga bayan ng unang distrito na sina Remedios Petilla (Palo), Lovell Ann Yu-Castro (Alang-alang), Eleonor Lugnasin (Babatngon), Norman Sabdao (San Miguel), Amparo Monteza (Santa Fe), Gina Merilo (Tanauan) at Erwin Ocana (Tolosa).

Si Councilor Raymund Romualdez, pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Tacloban at Rehiyon VII, ang kumatawan kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.

Pumunta rin sa tanggapan ng Comelec ang mga lokal na punong ehekutibo mula sa mga bayan sa ikalawang distrito ng Leyte, pati na rin ang tatlong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan nang maghain ng kanyang COC si Speaker Romualdez.

Si Speaker Romualdez ay kilala sa kanyang kahanga-hangang rekord sa paggawa ng batas.

Sa ika-16 na Kongreso, siya ang namuno sa House Independent Minority bloc at nagsilbi bilang Majority Leader sa ika-18 na Kongreso, kung saan siya ay naging malaking tulong sa pagpasa ng mga pangunahing panukalang batas na tumugon sa mga agarang pangangailangan ng bansa.

Ang kanyang pamumuno sa 19th Congress ay naging daan sa pagkakaisa ng Kamara upang ipasa ang mga batas na tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Isa sa nagawang batas ni Speaker Romualdez ang Republic Act No. 10754 kaya naging exempted sa value-added tax (VAT) ang mga produkto at nabibigyan ng diskwento at iba pang benepisyo ang mga taong may kapansanan noong panahon ng administrasyon ni Aquino.

“This is one of the laws that I am proud to have authored because it genuinely helps a sector of Philippine society. We aim to pass more laws like this if we are fortunate enough to get a fresh mandate from the people of Leyte,” ayon kay Speaker Romualdez.

Sa kanyang panunungkulan bilang Speaker ng Kamara, pinangunahan ni Romualdez ang pagpasa ng ilang mahahalagang batas, gaya ng SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund at ang New Agrarian Emancipation Act.

Ang mga batas na ito, ayon kay Speaker Romualdez, ay mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

Ang kanyang pamumuno ay malaking tulong sa pagtitiyak na ang mga panukalang ito ay napag-usapan at naipasa nang mahusay, at nagpapakita ng pagkakaisa ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Si Speaker Romualdez ang presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pangunahing partidong pulitikal sa kasalukuyang Kongreso, na nakakuha ng high approval survey ratings sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Siya ay naging masugid na tagapagsulong ng pagkakaisa at pagsasama-sama, na tinitiyak na ang agenda sa paggawa ng batas ay sumasalamin sa pangangailangan ng lahat ng Pilipino.

Sa pagsisilbi bilang Majority Leader noong 18th Congress, itinaguyod ni Romualdez ang mga panukala upang matulungan ang mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic gaya ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2, na nagbigay ng ayuda sa milyon-milyong Pilipino na apektado ng krisis.

“During the pandemic, we worked tirelessly to pass laws that addressed the health and economic challenges brought by COVID-19. Our Bayanihan laws provided much-needed assistance to our people,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Sa buong panahon ng kanyang legislative career, si Speaker Romualdez ay naging aktibong tagapagtanggol ng mga batas na nagpapabuti sa kalagayan ng mga mahihirap na sektor, kung saan pinangunahan niya ang pagpasa ng ilang mahahalagang batas, kabilang na ang COVID-19 Vaccination Act of 2021, Alternative Learning System Act, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) at maraming iba pa.

Kilala rin si Speaker Romualdez sa matinding pagmamahal sa kanyang pinagmulang lalawigan ng Leyte. Ang kanyang dedikasyon sa mga Leyteño ay kanyang naipamalas matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda noong 2013, kung saan isinulong nito ang rehabilitasyon at pagbangon muli ng lalawigan.

Ipinagpatuloy niya ang pagtataguyod ng kahandaan sa sakuna at pagbangon, hindi lamang para sa Leyte kundi pati na rin sa iba pang mga lugar sa Pilipinas.

“Ang Leyte ay hindi natin pinabayaan sa gitna ng kalamidad, at patuloy nating ipaglalaban ang kaligtasan at kabutihan ng ating mga kababayan. Kapag may kalamidad naman sa ibang lugar, sinisiguro nating nakakapagpadala ng tulong sa mga nasalanta dahil kami sa Leyte ay naging recipient ng tulong noong panahon ng Yolanda,” giit pa ni Speaker Romualdez.

Ang pamumuno ni Speaker Romualdez ay kilala rin sa kanyang kakayahang pag-isahin ang iba’t ibang paksiyon sa pulitika, tinitiyak ang maayos na pagtalakay sa mga kritikal na isyu sa paggawa ng batas.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naipasa ng 19th Congress ang halos lahat ng mga prayoridad na panukalang itinakda ng administrasyon ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA), kasabay ng pagkilala sa tagumpay na ito sa sama-samang pagsisikap ng kanyang mga kasamahan sa Kamara.

“Sa pagkakaisa ng ating mga mambabatas, mas napapabilis natin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bansa,” saad pa nito.

Sa pagtingin sa hinaharap, patuloy na nakatuon si Speaker Romualdez sa pagsusulong ng mga interes ng Leyte at ng mas nakararaming Pilipino.

Sakaling muling mahalal, plano niyang bigyang tuon ang pagpapalawak ng mga programang pang-edukasyon, pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan, at pagtiyak na ang pag-unlad ng imprastraktura sa Leyte ay naaangkop sa lumalawak na pangangailangan ng lalawigan.

Nais din niyang ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga programang pangkabuhayan na makikinabang ang mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.

Ibinahagi rin ni Speaker Romualdez ang kanyang pananaw para sa hinaharap, partikular sa pagsusulong ng pag-unlad ng ekonomiya at paglikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino.

“Patuloy nating isusulong ang mga programa na magbibigay ng mas maraming oportunidad hindi lamang sa mga Leyteños kundi pati sa lahat ng Pilipino, lalo na sa larangan ng agrikultura at turismo,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Bilang pinuno ng Kamara, siya ay kinilala sa kanyang pagsisikap na itaguyod ang transparency at pananagutan sa proseso ng paggawa ng batas.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Kamara ay nagpatuloy sa pagbibigay-diin sa magandang pamamahala at patas na pamamahagi ng mga yaman sa buong bansa.

Ang kanyang mga adbokasiya ay kinabibilangan ng pagpapababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gulay at iba pang mga consumable.

Pinangunahan niya ang Kamara sa mga legislative inquiries upang ituwid ang labis na pagtaas ng presyo ng bigas, gulay at iba pang pangunahing pangangailangan ng publiko.

Ang naging tagumpay ni Speaker Romualdez bilang mambabatas ay pinagtitibay ng kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa kanyang mga nasasakupan, patuloy na pakikisalamuha sa mga komunidad sa buong Leyte, upang matiyak na ang kanilang mga karaingan ay naririnig at natutugunan sa Kongreso.

“Ang mandato na ibinibigay sa akin ng aking mga kababayan ang pinakamahalaga. Kayo ang nagbibigay sa akin ng lakas para magpatuloy,” ayon pa sa kongresista.

Sa kanyang pagsusumite ng COC, si Speaker Romualdez ay nagsisimula ng panibagong kampanya, na may kumpiyansa na ang kanyang legasiya ng serbisyo publiko ay muling magiging makabuluhan sa mamamayan ng Leyte.