PhilHealth

Speaker Romualdez nagpasalamat sa PhilHealth

48 Views

Hiling na gamot para sa dialysis patients agad inaprubahan 

NAGPAABOT ng labis na pasasalamat si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kasunod ng mabilis nitong tugon sa kanyang kahilingan na pataasin ang presyo ng coverage ng per session ng hemodialysis para sa mga miyembro ng PhilHealth.

Matatandaang inianunsyo kamakailan ng PhilHealth na ang package rate ng hemodialysis ay tumaas na sa P6, 350 per session mula sa dating P4, 000 para sagutin na rin ang mga kailangang gamot habang nasa dialysis session ang pasyente.

Una ring inatasan ni Speaker Romualdez si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na makipag-ugnayan sa PhilHealth para pataasin ang per session coverage ng PhilHealth sa mga dialysis patients para wala na silang ika-cash out habang sumasailalim sa dialyss treatment.

Agad namang tumugon sa hiling ng lider ng Kamara sina PhilHealth President at Chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Teodoro Herbosa at inaprubahan ang kahilingan ng liderato ng Kamara.

“Ito ang parating idinudulog sa aking tanggapan ng mga dialysis patients ng kung pwede raw sagutin na rin ng Philhealth ang mga gamot na ginagamit sa bawat session nila,” anang House Speaker.

Dagdag pa niya, “Matutuwa nito ang maraming Pilipino dahil malaking tulong ito lalo na sa mga kababayan nating mahihirap na may chronic kidney disease (CKD). Wala na silang gagsastusin talaga.”

Base sa tala ng Department of Health (DOH), higit isang milyong Pilipino ang may sakit sa bato at 80 porsiyento sa kanila ay nagpapa-dialysis.

Kamakailan din ay tumugon na ang PhilHealth sa kahilingan ni Speaker Romualdez na ilibre na sa mga PhilHealth members ang mga wheelchair, saklay, walker at prescription glasses sa Enero.

Ayon pa kay Speaker, ang naturang adjustment sa dialysis coverage sa PhilHealth ay bahagi pa rin ng programa ni Pangulong Marcos na magbigay ng maayos at libreng health care sa mga mahihirap na Pilipino.