Speaker Romualdez

Speaker Romualdez nakipagpulong sa mga manager ng nangungunang sovereign wealth fund

Mar Rodriguez Jan 18, 2024
136 Views

Speaker RomualdezNAGBUKAS ng pintuan para sa ugnayan at kolaborasyon ang pakikipagpulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes, (oras sa Switzerland) sa mga manager ng mga nangungunang sovereign fund at pangunahing lider ng ibang bansa sa ikalawang araw ng 2024 Annual Meeting ng World Economic Fund sa Davos.

Pinangunahan ni Romualdez ang delegasyon ng Pilipinas sa taunang pulong ng WEF ngayong 2024 na ang pangunahing layunin na makahikayat ng dagdag na foreign investments sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund upang magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya at makalikha ng mapapasukang trabaho para sa mga Pilipino.

“These high-level engagements with international business leaders and policymakers in this years’ WEF annual meeting are invaluable as they provide us with opportunities to explore avenues for partnerships, collaborations, and investment opportunities to unleash the potential of the Maharlika Investment Fund for the benefit of the nation and our people,” ani Romualdez.

Kasama sa prominenteng opisyal na nakaharap ni Romualdez sa sidelines ng WEF si Israfil Mamadov, Chief Executive Officer ng State Oil Fund ng Republic of Azerbaijan (SOFAZ). Hanggang nitong Marso 31, 2023 tinatayang nasa 53, 437.6 milyong dolyar ang asset ng SOFAZ.

Natanggap ng SOFAZ ang United Nations Public Service Award para sa Improving Transparency, Accountability, at Responsiveness in Public Service noong 2007.

Nakipagpulong din si Speaker Romualdez sa chairman ng Singapore state investment firm Temasek Holdings Limited na si Lim Boon Heng.

Naitatag ang Temasek Holdings at mayroong 11 opisina sa buong mundo. Nakatuon ang corporate arm nito sa investment portfolios.

Nitong 2023, ang net portfolio ng Temasek ay nagkakahalaga ng 287 bilyong dolyar, kung saan 27 bilyong dolyar ay divested at 31 bilyong dolyar naman ang ipinuhunan nang taong iyon.

“The exchange of ideas, best practices and insights on the management, investment policies and insights on sovereign wealth fund could prove invaluable in helping realize the vision of President Ferdinand R. Marcos, Jr. for the MIF as a catalyst for our nation’s growth and development,” saad ni Romualdez.

Ipinakilala ni Pangulong Marcos Jr., sa international community ang MIF sa soft launch nito noong siya ay dumalo sa WEF annual meeting noong nakaraang taon.

Nakaharap din ni Speaker Romualdez ang kanyang Swiss counterpart, na si Eric Nussbaumer, pangulo ng National Council (Parliament) of Switzerland at kanilang pinag-usapan ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Switzerland.

Tinukoy ni Romualdez na ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ay isinusulong ang pagpapalakas ng paggamit ng renewable energy.

Nagkaroon din ng pulong si Romualdez kasama si Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, na una na niyang nakaharap sa bilateral meeting ni Pangulong Marcos Jr. sa sidelines ng 43rd ASEAN Summit sa Indonesia Setyembre ng nakaraang taon.

Nakatakdang bumisita si Pangulong Marcos sa Vietnam sa katapusan ng Enero para sa isang state visit kung saan inaasahang lalagdaan ang kasunduan para sa pagsusuplay ng bigas sa bansa.

Para kay Romualdez, ang mga ugnayang ito kasama ang mga policymakers ay patotoo na isang magandang plataporma ng WEF para sa kolaborasyon at pagtutulungan para tugunan ang mga isyung pandaigdig at makapaglatag ng mga polisiya para harapin ang mga hamong kapwa kinakaharap ng mga bansa.