Calendar

Speaker Romualdez nanawagan kay PNP Chief Marbil na tutukan kaso ng pagpatay kay Dayang
NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil na personal na pangunahan ang paglutas sa kaso ng pagpaslang sa mamamahayag na si Johnny Dayang noong Abril 20.
Ginawa ng pinuno ng 306-kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag bilang tugon sa liham ni broadcast journalist Rey Langit, chairman emeritus ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas-Metro Manila, na humihingi ng kanyang suporta upang masiguro na hindi mababaon sa limot at mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Dayang.
“We share the concern of our journalist-friends. So I am asking General Marbil to take a direct and an active role in solving Johnny Dayang’s murder. He should see to it that justice is done at the soonest possible time,” ani Speaker Romualdez.
Sinang-ayunan ni Speaker Romualdez ang mga mamamahayag na ang kabiguang mahuli ang pumatay kay Dayang ay nagdudulot ng pangamba sa mga media practitioner at nagmimistulang balakid sa pagganap sa kanilang tungkulin sa publiko.
“It impacts as well on the people’s right to information,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Kasabay nito, nanawagan din ang lider ng Kamara de Representantes sa mga mamamahayag na magtiwala sa PNP sa paglutas ng kaso ni Dayang gayundin ang iba pang krimen.
“We just have to trust them. They are the ones who have the legal mandate, the expertise, the men, and equipment to do this job,” aniya.
“Under the leadership of President Ferdinand R. Marcos Jr., Gen. Rommel Marbil and his team have been working diligently to improve public order and safety, as evidenced by a lower crime rate compared to the previous administration,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa mga mamamahayag na ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat upang maprotektahan ang mga miyembro ng media at maresolba ang mga kaso ng pagpatay sa kanila.
“Proof of this is that Malacañang has a special presidential task force in charge of journalist protection. The task force is also tasked to coordinate the solution of any media killing,” aniya.
Si Dayang, 89, na chairman emeritus ng Publishers Association of the Philippines Inc., ay binaril at napatay sa loob ng kanyang tahanan sa Kalibo, Aklan.
Ayon sa mga ulat, nanonood si Dayang ng telebisyon nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin na naka-bonnet mula sa labas ng kanyang bahay. Tatlong beses pinaputukan ang biktima at tinamaan ito sa leeg at likod. Idineklara siyang dead on arrival sa Dr. Rafael S. Tumbocon Memorial Hospital.
Bago ang insidente, may dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang naiulat na palakad-lakad malapit sa bahay ng biktima. Nakakuha ng CCTV footage ang mga pulis mula sa lugar ng insidente, ngunit wala pa rin silang matukoy na suspek at motibo sa krimen.