BBM2 Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Amendments to the Agricultural Ratification Act, VAT Refund for Non-Resident Tourist Act at Basic Educational Mental Health and Well Being Promotion Act Lunes ng umaga sa Ceremonial Hall ng Malacañang Palace. Sinaksihan ito ng mga senador na pinangunahan ni Senate President Chiz Escudero, at miyembro ng Kamara na pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez pati mga Cabinet members. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Paglagda ni PBBM sa Rice Stabilization Law makasaysayan

Mar Rodriguez Dec 9, 2024
48 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang amyenda sa Agricultural Tariffication Act, na isa umanong makasaysayang hakbang para mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na tiyakin ang katatagan ng presyo ng bigas, suportahan ang mga Pilipinong magsasaka, at masiguro ang suplay ng pagkain sa bansa.

“This is a landmark legislation that directly addresses the most pressing concerns of ordinary Filipinos: rising rice prices, food security, and the welfare of our farmers. It underscores our collective commitment to building a stronger, more resilient Philippines,” ani Speaker Romualdez, na pangunahing may-akda ng batas.

Pinasalamatan din ni Speaker Romualdez ang dedikasyon at malasakit ng Pangulo sa mga Pilipino, na siyang pangunahing dahilan ng mabilis na pag-apruba ng batas.

“Muling pinatunayan ni Pangulong Marcos ang kanyang malasakit sa bawat pamilyang Pilipino. Ang batas na ito ay isang matibay na hakbang upang tugunan ang isyu ng inflation, lalo na sa presyo ng bigas, na pangunahing pagkain sa bawat hapag-kainan,” ayon kay Speaker Romualdez.

Pinapalakas ng batas ang kapangyarihan ng Department of Agriculture (DA) sa regulasyon upang labanan ang hoarding, manipulasyon ng presyo, at iba pang pang-aabuso sa merkado na nagdudulot ng pagtaas ng presyo. Nagbibigay din ito sa DA ng P5-bilyong buffer fund para sa mga emergency na may kinalaman sa seguridad ng pagkain at pinalalawig ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031, na may taunang alokasyong P30 bilyon upang suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mekanisasyon, pagpaparami ng binhi, at iba pang mga programang pang-agrikultura.

“Malinaw ang mensahe ng Pangulo: walang Pilipinong dapat magutom o maghirap dahil sa mataas na presyo ng bigas. Ang batas na ito ay sagot sa matagal nang hiling ng ating mga magsasaka at mamimili,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na ang batas ay isang direktang tugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga karaniwang Pilipino dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at mga hamon sa ekonomiya.

“This is a victory for every Filipino household. It ensures that rice remains affordable and accessible while empowering our farmers to be more competitive and productive,” ayon kay Speaker Romualdez.

Itinatakda rin ng batas na ang National Food Authority (NFA) ay magpanatili ng mga buffer stock ng bigas na tanging mula sa mga lokal na magsasaka, upang matiyak ang seguridad sa pagkain at suporta sa kabuhayan ng sektor ng agrikultura.

“This measure shows that we can fight inflation and support our farmers at the same time. It reflects our commitment to making sure that no Filipino is left behind as we build a stronger, more equitable nation,” saad ni Speaker Romualdez.

Pinasalamatan ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos sa kanyang patuloy na pagsusumikap upang matugunan ang mga pinakamahahalagang isyung kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino.

“Ang Pangulo ay tunay na kaagapay ng bawat Pilipino sa laban para sa abot-kayang presyo ng bilihin. Ang kanyang malasakit at masigasig na pamumuno ay nagbigay-daan sa batas na ito na magpapagaan ng buhay ng ating mga kababayan,” ayon pa sa kongresista.

Binigyang-diin din ng Speaker ang pamumuno ng Pangulo sa pagbibigay-priyoridad sa seguridad sa pagkain bilang mahalagang bahagi ng adyenda ng kanyang administrasyon.

“This law exemplifies the vision of President Marcos for a Bagong Pilipinas. It aligns with his goal of protecting the welfare of ordinary Filipinos while empowering key sectors like agriculture. His leadership inspires all of us in the House of Representatives to work even harder for meaningful reforms,” saad pa ng mambabatas.

Binigyang pagkilala rin ni Speaker Romualdez ang kaniyang mga kasamahan sa Kongreso at sa mga stakeholder para sa kanilang dedikasyon at sipag sa pagbalangkas at pagpasa ng batas.

“This is a shining example of what we can achieve when the Executive and Legislative branches work together for the welfare of the Filipino people. It proves that by prioritizing the needs of our countrymen, we can make a lasting impact,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Tiniyak din niya sa publiko na ang Kamara de Representantes ay patuloy na magpapatupad ng mga makataong batas na susuporta sa hangarin ni Pangulong Marcos na makamit ang mas matatag at mas masaganang bansa.

“Patuloy tayong magsusulong ng mga repormang magdadala ng kaginhawaan sa bawat Pilipino. Sama-sama nating itataguyod ang Bagong Pilipinas na pinangungunahan ng ating mahal na Pangulo,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.