Martin2 Nakipagkita si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez (6th mula kaliwa) sa mga U.S. lawmakers sa ginanap na US-Philippines Friendship Caucus sa Capitol Hill sa Washington, D.C., Miyerkules ng gabi. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino ll, Rep. Gregorio Kilili Camacho Sablan ng Northern Mariana Islands, Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Rep. Robert “Bobby” C. Scott of Virginia, Rep. Don Bacon ng Nebraska, Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, Rep. James C. Moylan of Guam, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Rep. Darrell Issa of California.

Speaker Romualdez: Pagpapalakas ng kooperasyon sa depensa, ekonomiya ng PH, US mahalaga

154 Views

IGINIIT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kooperasyon sa depensa at ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa isinagawang reception para sa mga miyembro ng US-Philippines Friendship Caucus sa Capitol Hill in Washington, D.C., sinabi ni Speaker Romualdez na siya ay masaya na nakabalik sa kapitolyo ng Amerika para makausap ang mga mambabatas ng Estados Unidos at iba pang opisyal upang lalo pang mapalakas ang relasyon ng dalawang bansa kasabay ng pagharap sa mga hamon.

“As we navigate these challenges, strengthening our defense and economic ties becomes even more crucial,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Dumalo sa event sina Reps. Gregorio Kilili Camacho Sablan ng Northern Mariana Islands, Robert “Bobby” C. Scott ng Virginia, Don Bacon ng Nebraska, James C. Moylan ng Guam, at Darrell Issa ng California.

Sa kanyang opisyal na pagbisita sa Amerika, naka-usap sin ni Speaker Romualdez sina Sen. Bill Hagerty ng Tennessee, Sen. Christopher Van Hollen ng Maryland, Rep. Gary Palmer ng Alabama, Rep. Ami Bera ng California, Rep. James R. Baird ng Indiana, Rep. Ed Case ng Hawaii, at Rep. Brad Sherman ng California.

Kasama ni Speaker Romualdez sa delegasyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II, House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco, Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, House Sergeant-at-Arms PMGen. Napoleon “Nap” C. Taas (ret), at House Deputy Secretary Generals Jennifer “Jef” Baquiran, David Robert Amorin, at Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., at iba pang opisyal ng Kamara at embahada ng Pilipinas.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ikinalulugod nito ang suporta ng Amerika at mga kaalyado nito sa rehiyon at Europa sa pagharap sa hamon sa West Philippine Sea.

“Such support, even just in the form of expressions of concern, is invaluable to us in bolstering our defense of our sovereignty, our territorial integrity and maritime domain,” dagdag pa nito.

Sa kaso ng Amerika, sinabi ng lider ng Kamara na kasama sa suporta nito ang pagbibigay ng military assistance gaya ng joint patrol at mga katulad na aktibidad at humanitarian mission.

“We are happy for all the assistance aimed at helping modernize our Armed Forces and boost our civilian law enforcement capabilities,” ani Speaker Romualdez.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalawak ang kooperasyong pang-ekonomiya.

Binanggit ni Speaker Romualdez na ang muling pagpasok ng Pilipinas sa Generalized System of Preferences (GSP) ng Amerika ay nangangahulugan na mapapasok ang mga piling produkto ng Pilipinas sa US market ng walang binabayarang buwis.

Bago nag-lapse ang GSP ng Pilipinas ay mahigit $2 bilyon ang halaga ng produkto mula sa Pilipinas na pumapasok sa Amerika kada taon.

Sinabi ng lider ng Kamara na hindi lamang ito makakatulong sa pagkakaroon ng trabaho sa Pilipinas kundi pakikinabangan din ng mga konsumer sa Amerika dahil mabibili nila ang mga produkto sa mas mababang halaga.

Sinabi ni Speaker Romualdez sa US counterpart ng delegasyon nito na inaasahan niya ang pagkakaroon pa muli ng dayalogo para muling pag-usapan ang pagpapalawak ng kolaborasyon ng dalawang bansa.

Ang pakikipagkita ni Speaker Romualdez sa mga mambabatas ng Amerika ay kasunod ng matagumpay na trilateral summit nina US President Joe Biden, Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng US-Philippines Friendship Caucus ay bahagi ng opisyal na pagbisita ni Speaker Romualdez sa Amerika.

Dalawang taon na ang nakakaraan, ang Kamara at Senado ang nag-host sa mga miyembro ng US Caucus na bumisita sa Pilipinas.

Sa kanyang mga pakikipagpulong, hiniling ni Speaker Romualdez ang pagpapalawig ng joint military exercise sa Pilipinas, at pagpapataas ng US foreign military financing (FMF) at pinuri ang paghahain ng panukalang Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act).

Hiniling ni Speaker Romualdez na taasan ang FMF sa Pilipinas na sa kasalukuyan ay nasa $40 milyon.

Nagpasalamat din ang lider ng Kamara kina Hagerty, isang Republican, at Sen. Tim Kaine, ng Virginia, isang Democrat, sa paghahain sa US Senate ng panukalang PERA of 2024 na naglalayong itaas sa $500 milyon ang FMF para sa Pilipinas kada taon sa loob ng limang taon.

Ang panukala ay inihain isang araw bago ang trilateral summit.

Tinalakay din ni Speaker Romualdez ang estado ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kasama na ang inanunsyo ni Pangulong Marcos na daragdagan ng apat ang mga EDSA Agreed Location kaya magiging siyam na ang kabuuang bilang nito.

Ipinaalam din ni Speaker Romualdez sa mga mambabatas ng Amerika ang estado ng mga proyekto sa mga EDCA site.

Pinag-usapan din ang pagkakaroon ng bilateral cooperation sa iba’t ibang sektor gaya ng malinis na enerhiya at imprastraktura gayundin ang paggamit ng mga teknolohiya mula sa Amerika.

Tinalakay din ang paglulungsad ng Luzon Economic Corridor na napag-usapan sa trilateral meeting.

“The Luzon Corridor is a demonstration of our enhanced economic cooperation,” sabi ng tatlong lider.

Layunin ng proyekto na pag-ugnayin ang Subic Bay, Clark, Manila, at Batangas sa pamamagitan ng modernong pantalan, tren, clean power project, at pagpapalakas ng supply chain ng semiconductors at iba pang industriya.