Calendar
Speaker Romualdez: Pagtatago ni Teves sa halip na harapin ang mga alegasyon hindi maganda sa paningin
HINDI umano magandang tignan ang ginagawang pagtatago ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa halip na umuwi sa bansa para gamitin ang mga legal na paraan sa paglaban sa mga alegasyon sa kanya.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasabay ng muling paghimok nito kay Teves na umuwi na sa bansa.
“I strongly urge Cong. Arnie to reconsider his decision not to return. It does not sit well for a House Member to flee the country rather than avail himself of all the legal remedies available to him,” sabi ni Speaker Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na inimbitahan siya ng abugado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio sa isang pagpupulong noong Miyerkoles ng gabi.
Sa naturang pagpupulong ay iginiit ni Speaker Romualdez na dapat umuwi na si Teves sa bansa lalo hanggang noong Marso 9 lamang ang ibinigay na travel authority sa kanya.
Ipinaabot din ni Speaker Romualdez kay Topacio ang desisyon ng House Committee on Ethics na imbestigahan ang hindi pag-uwi ni Teves.
“The Committee on Ethics has already acquired jurisdiction on Cong. Arnie’s case. I will act accordingly after the Committee wraps up its investigation and submits its recommendation to the House leadership,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Muli ring inulit ni Speaker Romualdez ang kahandaan ng tanggapan nito at ng liderato ng Kamara na proteksyunan si Teves sa kanyang pag-uwi sa bansa.