Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez personal na magbibigay ng ayuda sa Turkey Quake

216 Views

Speaker Romualdez magbibigay ng higit P5M ayuda sa mga biktima ng lindol sa Turkey

PERSONAL na magbibigay ng $100,000 o higit P5 milyon na ayuda si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para sa mga biktima ng lindol sa Turkey.

Ayon sa Speaker, na Leyte Representative din, “ang bansang Turkey ang isa sa pinakaunang bansa na nagpadala ng tulong sa amin nang tumama ang Yolanda sa Leyte.”

“Marapat lamang na suklian natin ang magandang kaloobang ito ng Turkey na siya namang nangangailangan ng tulong natin ngayon,” ani Romualdez.

Dagdag pa ng lider ng Kongreso, ” naibsan ang sakit at pagdurusa ng mga biktima ng Yolanda sa Samar at Leyte dahil sa maagang ayuda ng bansang Turkey noon.”

Nabatid na personal na iaabot ni Speaker Romualdez ang tseke ngayong araw kay Turkey Ambassador Niyazi Evren Aykol sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

Napag-alaman na ang nasabing halaga ay galing sa Speaker’s Disastet Relief and Rehabilitation Initiative na inilunsad noong ika-59 kaarawan ni Romualdez.

Una nang nagpadala ng mga rescuers ang Pilipinas sa nasabing bansa noong nakaraang linggo para tumulong sa paghahanap ng mga survivors doon.

Ang Turkey at Syria ay sabay na niyanig ng 7.8 magnitude na lindol noong Pebrero 6 at sinundan ng 7.3 na pagyanig ilang minuto lang ang lumipas.