BBM

Speaker Romualdez pinasalamatan si PBBM sa pagpirma sa SIM Registration Act

225 Views

PINASALAMATAN ni Speaker Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pagpirma nito sa panukalang SIM Registration Act upang ito ay maging ganap na batas.

Sinabi ni Romualdez na sa pamamagitan ng bagong batas ay mabibigyan ng proteksyon ang mga cellphone user laban sa mga kriminal na gumagamit ng SIM card sa kanilang operasyon.

“On behalf of members of the House of Representatives, we would like to convey our heartfelt gratitude to President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. for signing into law the SIM Registration Act, the very first bill signed into law by this administration,” sabi ni Romualdez.

Pinirmahan ni Marcos ang Republic Act (RA) 11934 isang linggo matapos na lagdaan nina Romualdez at Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang enrolled bill ng panukala na siyang ipinadala sa Malacañang.

“This measure was approved in both the House and in the Senate, and President Marcos’ signature on this very important piece of legislation only signifies his administration’s recognition of the need to put in place measures that will protect Filipino consumers against cybercriminals and online scammers,” ani Romualdez.

Bukod kay Romualdez, dumalo sa ceremonial signing ng panukala sina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, House senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at Reps. Chino Almario, Toby Tiangco, Jude Acidre, Rex Gatchalian, Roman Romulo at Stella Luz Quimbo.

Sina Romualdez, Rep. Marcos, at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Acidre ang pangunahing may-akda ng panukala sa Kamara.

Sa ilalim ng panukala, kailangang irehistro at magpakita ng valid identification card ang mga bumibili ng SIM card. Ang mga dati ng nakabili ay kailangan ding magrehistro sa itinakdang panahon kung hindi ay made-deactivate ang numero nito.