Martin1 Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez pinuri pag-apruba sa dagdag allowance para sa AFP

Mar Rodriguez Mar 15, 2025
18 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-apruba sa Executive Order (EO) No. 84 na nagtataas ng subsistence allowance ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa P350 kada araw mula sa P150.

“This is a well-deserved increase for our brave and dedicated soldiers who tirelessly defend our country. It is a concrete manifestation of our commitment to improving their welfare and recognizing their sacrifices for our nation,” ani Speaker Romualdez, na nagsulong ng naturang dagdag na allowance sa ilalim ng 2025 national budget.

Ang pagtaas ng allowance, na epektibo mula Enero 1, 2025, ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng EO 84 at popondohan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Tiniyak ng Mababang Kapulungan at Senado na kasama sa pondo ang mga probisyon para sa kapakanan ng mga uniformed personnel.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang pag-amyenda sa allowance ay alinsunod sa layunin ng administrasyon na palakasin ang morale ng mga sundalo at tiyaking natatanggap nila ang sapat na suporta para sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan.

“Natupad na ang ating pangako! Ang ating mga sundalo ay makatatanggap na ng mas mataas na subsistence allowance—mula P150 ay magiging P350 na kada araw o P10,500 kada buwan. Isa itong malaking hakbang para tiyakin na ang kanilang sakripisyo ay may katumbas na suporta mula sa ating pamahalaan,” aniya.

Tiniyak din niya sa AFP na ito pa lamang ang simula ng mas maraming inisyatiba para mapabuti ang mga benepisyo at suporta para sa mga unipormadong kawani.

“Hindi ito ang huling hakbang natin. Patuloy nating ipaglalaban ang mga programang magbibigay ng mas maayos na kalagayan sa ating kasundaluhan—mula sa benepisyong pangkalusugan, pabahay at iba pang tulong para sa kanilang pamilya,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na patuloy na makikipagtulungan ang Mababang Kapulungan sa administrasyon ni Pangulong Marcos at sa mga kaukulang ahensya upang matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng AFP.

“Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, titiyakin nating ang ating mga sundalo ay hindi pinapabayaan. Ang inyong serbisyo ay hindi malilimutan at ang gobyerno ay patuloy na magbibigay ng suporta na nararapat para sa inyo,” aniya.

Idinagdag din niya na ang pamumuhunan sa kapakanan ng mga sundalo ay nagpapalakas sa pambansang seguridad at tumutulong sa pagpapalakas ng bansa.

“Kapag maayos ang kalagayan ng ating sundalo, mas magiging matatag ang ating bansa. Ang pagtaas ng subsistence allowance na ito ay isang hakbang patungo sa mas matibay, mas maunlad, at mas ligtas na Pilipinas,” pahayag ni Speaker Romualdez.