Pope

Speaker Romualdez pinuri pagkakahalal kay Pope Leo XIV bilang simbolo ng bagong pag-asa, patuloy na misyon

19 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkakahalal kay Pope Leo XIV, na inilarawan nitong isang matibay na patunay ng patuloy na misyon ng Simbahang Katolika, bukal ng bagong pag-asa, at sagisag ng nagpapatuloy na pamumunong pastoral para sa mga mananampalataya sa buong mundo.

“We welcome with deep joy and reverence the election of His Holiness Pope Leo XIV. His life of missionary service, unwavering commitment to the marginalized, and resolute pursuit of justice reflect the best of what the Catholic Church can offer in these times of uncertainty,” ayon kay Speaker Romualdez.

Si Pope Leo XIV, dating si Cardinal Robert Francis Prevost, ang ika-267 na Santo Papa at kauna-unahang Amerikano na mamumuno sa Simbahang Katolika.

Taglay niya ang mahaba at makabuluhang karanasan sa gawaing misyonero at pastoral na nahubog sa kanyang paglilingkod sa Latin America.

Binanggit ni Speaker Romualdez na ang istilo ng pamumuno ni Pope Leo XIV ay sumasalamin sa pamana ni Pope Francis, na kilala sa Pilipinas bilang si “Lolo Kiko.”

“Like Lolo Kiko, Pope Leo XIV carries the Gospel with humility and courage, entering the papacy with quiet strength. In an age of clamor, he reminds us that humility is power, and service is the highest form of leadership,” ayon sa pinuno ng Kamara na binubuo ng 306 kinatawan.

Ayon kay Speaker Romualdez, malalim ang ugnayan ng mensahe ng bagong Santo Papa sa damdamin ng mga Pilipinong Katoliko, lalo na ang kanyang panawagan para sa kapayapaan at pagkalinga sa mga naaapi.

“The election of Pope Leo XIV affirms the Church’s mission to stand with the poor, the displaced and the voiceless—one that deeply resonates with the Filipino people, especially as the Philippines remains the third-largest Catholic nation in the world,” ani Romualdez.

Ipinunto rin ni Romualdez na maging ang pangalan na pinili ng bagong Santo Papa ay nagbibigay-pugay sa mga papa na kilala sa lakas at reporma, tulad nina Pope Leo XIII at Leo I, na tumindig laban sa kawalang-katarungan at nagtaguyod ng pananampalataya sa gitna ng pagkakawatak-watak.

Ipinahayag din ng House Speaker ang kanyang pag-asa na makabisita si Pope Leo XIV sa Pilipinas sa panahon ng kanyang panunungkulan.

“A papal visit from Pope Leo XIV would bring immense spiritual upliftment to our people. The Filipino faithful are ready to welcome him with open hearts and unwavering devotion,” sabi ni Speaker Romualdez.

Hinimok din ni Romualdez ang lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang pananampalataya, na manalangin para sa bagong Santo Papa.

“The challenges before the world are great, but so too is the light that now shines from Rome. May Pope Leo XIV guide us toward peace, healing and renewed faith,” pagtatapos ni Romualdez.