Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez pinuri pagsasabatas ng ‘anti- no permit, no exam’ policy, New Passport Law, PH Salt Industry Act

Mar Rodriguez Mar 16, 2024
146 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagsasabatas ng tatlong mahahalagang panukala na naglalayong gawin ang pagkakapantay-pantay sa edukasyon, pagpapabilis ng passport services at pagpapalakas ng industriya ng asin.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga bagong batas ay nagpapakita ng determinasyon ng administrasyong Marcos na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

Nilagdaan ng Pangulo bilang batas ang Republic Act (RA) 11983 o ang New Philippine Passport Act; RA 11984, na mas kilala bilang No Permit, No Exam Prohibition Act; at RA 11985 o ang Philippine Salt Industry Act.

Ikinagagalak ni Speaker Romualdez ang pagsasabatas ng RA 11984, na nagbabawal “no permit, no exam” policy sa lahat educational institutions upang maiwasan umano ang hindi pagbibigay ng pagsusulit sa mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng matrikula.

“By abolishing the ‘no permit, no exam’ rule, we are breaking down barriers and ensuring that every student, regardless of their financial background, has equal access to education,” ayon kay Speaker Romualdez.

Iginiit pa ng pinuno ng Kamara na mahalaga ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng mga estudyante na matupad ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

“Education is a fundamental right, and it is our duty to create an environment where every student can thrive,” ayon pa sa mambabatas.

Sa ilalim ng mga probisyon ng batas, kabilang sa sinasaklaw nito ang lahat ng pampubliko at pribadong institusyon (K to 12), higher educational institution at technical-vocational institution na nagbibigay ng long-term courses na higit sa isang taon.

Inaatasan din ng batas ang Department of Social Welfare and Development na tukuyin ang “disadvantaged students” at ang pagbibigay ng katibayan sa mga mag-aaral na biktima ng kalamidad, emergency, force majeure, at iba pang mga kadahilang hindi maiiwasan kaya hindi nakabayad ng matrikula ang mga ito.

Bagamat mandato ng batas ang pagpapahintulot ng mga paaralan na bigyang pagsusulit ang mga mag-aaral kahit walang permit, pinayapayagan pa rin ang mga institusyon na humingi ng promissory notes, gumamit ng legal at administratibong hakbang upang makakolekta ng bayad. Gayunman, obligado pa rin ang mga educational institution na ibigay sa mga mag-aaral ang record at credentials ayon sa kanilang mga patakaran at regulasyon.

Hinimok din ni Speaker Romualdez ang mga paaralan na sundin ang mga probisyon ng RA 11984 at pagbibigay ng kinakailangang tulong para sa mahihirap na mga estudyante.

“Educational institutions play a vital role in ensuring the smooth transition towards a more inclusive educational environment,” ayon sa mambabatas.

Samantala, sinabi naman ni Speaker Romualdez na ang New Philippine Passport Act ay isang malaking pagbabago sa proseso ng pag-a-aplay ng pasaporte sa bansa, na ang layunin ay pabilisin ang mga hakbang at tiyakin ang pagiging accessible para sa lahat ng mamamayan.

Ang RA 11983 ang papalit sa RA 8239, na kilala bilang Philippine Passport Act of 1996, na magbibigay ng mga mahahalagang pagbabago sa sistema ng passport application.

Isa sa mga pangunahing layunin ng batas ay ang paglikha ng bagong henerasyon ng Philippine passports na nakaayon sa international standards, magbibigay ng katiyakan sa seguridad at kakayahan para sa mga Pilipinong naglalakbay.

Ang bagong passport law ay magbibigay din ng katiyakan na ang proseso ng regular passport ay mapapadali, lalo na para sa mga senior citizen, person with disabilities at mga overseas Filipino Worker.

“By making the application process more accessible and user-friendly, we are empowering every Filipino to obtain travel documents efficiently and with minimal hassle,” ayon kay Speaker Romualdez.

Pinuri din ng pinuno ng Kamara ang Pangulong Marcos sa kanyang natatanging pamumuno sa pagsasabatas ng New Philippine Passport Act, na pagbibigay ng halaga ng administrasyon na itaguyod ang positibong pagbabago.

“This legislation underscores our unwavering dedication to propelling positive change and equipping the Filipino people with the essential tools to flourish in an ever-evolving and interconnected global landscape,” he said.

Gayundin, ayon pa kay Speaker Romualdez ang paglagda ng Punong Ehekutibo bilang batas sa RA 11985 o ang Philippine Salt Industry Development Act na ang hangarin ay ang pagpapalakas at paglikha ng pagbabago sa sektor ng asin, tungo sa matatag na paglago at kakayahang makipagkumpetensya sa iba pang mga bansa.

“This legislation represents a crucial step forward in advancing the development and modernization of the salt industry in the Philippines,” ayon kay Speaker Romualdez. “This legislation underscores our commitment to supporting local industries and fostering sustainable production practices.”

Nakasaad sa RA 11985 ang paglikha ng Salt Roadmap, na naglalayong mapabuti ang pagpapa-unlad, pamamahala, at modernisasyon ng industriya ng asin para sa pananatili ng maayos produksyon, na maaaring maging daan sa pag-export ng asin.

Tinukoy din sa batas ang pagtatatag ng Salt Council na mangangasiwa sa implementasyon at magbibigay ng exemption sa ilang buwis, pagtatakda ng mga priority area para sa produksyon. Sakop din ng itatayong council ang pagbibigay ng exemption sa ilang uri ng asin para sa mandatory iodization, at magpapalago sa industriya ng asin.

“The ultimate goal is to facilitate sustainable production that could potentially lead to salt exportation, contributing to the country’s economic growth,” ayon pa kay Speaker Romualdez.