Martin4

Speaker Romualdez pinuri panalo ng Pinay team sa FIFA match vs NZ

158 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pagpuri sa 23 miyembro ng Philippine Women’s National Football Team sa kanilang panalo laban sa New Zealand noong Hulyo 25.

Ang makasaysayang panalo umano ay nagtaas sa ranking ng Pilipinas at nagpataas sa tyansa na magkuwalipika lagpas sa group stage ng prestihiyosong FIFA Women’s World Cup.

Ang panalo ay patunay din umano sa lakas at determinasyon ng mga Filipina upang umangat sa larangan ng palakasan gaya ng 2023 Federation Internationale de Football Association (FIFA).

Nagsisilbi rin umanong inspirasyon ang panalong ito sa mga susunod na henerasyon ng mga manlalaro upang mag-uwi ng karangalan sa bansa.

“The 23 spirited Filipinas deserve utmost recognition and commendation,” sabi sa resolusyon.

Bukod kay Speaker Romualdez, ang resolusyon ay pinirmahan nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader Alexander Marcos at Tingog Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.

Ginawa ang laban ng Pinay team at New Zealand sa Wellington Regional Stadium sa New Zealand. Nanalo ang mga Pilipino sa iskor na 1-0. Ito ang kauna-unahang goal ng bansa sa naturang kompetisyon.

Ayon sa mga kongresista ang ipinakita ng mga manlalaro ay karapat-dapat kilalanin.

Ang team ay binubuo nina Sarina Bolden, Hali Long, Olivia McDaniel, Tahnai Annis, Quinley Quezada, Katrina Guillou, Chandler McDaniel, Carleigh Frilles, Isabella Flanigan, Meryll Serrano, Sara Eggesvik.

Ryley Bugay, Jaclyn Sawicki, Anicka Castañeda, Jessika Cowart, Dominique Randle, Sofia Harrison, Malea Cesar, Alicia Barker, Angela Beard, Reina Bonta, Kiara Fontanilla at Kaiya Jota.