Martin1

Speaker Romualdez pinuri si Sec. Recto sa pagtupad sa kasunduan na ibaba taripa ng bigas

125 Views

IPINAABOT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pasasalamat nito kay Finance Sec. Ralph Recto sa pagtupad nito sa kasunduan na ibaba ang ipinapataw na taripa sa bigas upang bumaba ang presyo nito ng mas mababa sa P50 kada kilo.

Pinuri ni Speaker Romualdez si Recto sa pagsulong ng nauna ng kasunduan ng mga lider ng Kamara at kalihim ng Kagawaran ng pananalapi at pagsasaka.

Layunin ng pagbabawas sa taripa na matugunan ang mataas na presyo ng bigas na dulot ng mapagsamantalang trader, epekto ng El Niño, at mataas na halaga ng pandaigdigang gastos.

Noong nakaraang linggo ay nagpulong sina Speaker Romualdez at Recto, kasama sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., Customs Commissioner Bienvenido Rubio, at House Appropriations Committee Chair Zaldy Co ng Ako Bicol Partylist para bumuo ng mga praktikal na solusyon para agad na maibsan ang mataas na presyo ng bilihin kasabay ng pagtiyak na kumikita ng tama ang mga lokal na magsasaka.

Isa sa mga napagkasunduan ay ang pansamantalang pagpapababa ng taripa ng bigas upang bumaba rin ang gastos ng mga trader.

Sa paraang ito, mas magiging abot kaya nag bigas ng hindi naman dehado ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa kabila naman aniya ng bawas sa taripa, siniguro ni Speaker Romualdez na patuloy na makatatanggap ng tulong ang mga magsasaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ang pondo na mula sa buwis na sinisingil salig sa Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law).

Hanggang nitong Abril, batay sa datos ng DOF, umabot na ang koleksyon ng taripa sa imported na bigas sa P16 bilyon, lagpas sa minimum na P10 bilyon na ilalagay sa RCEF.

Nanawagan din si Speaker Romualdez para sa paghihigpit sa price control sa retail market para maiwasan ang manipulasyon ng presyo ng bigas.

Sinuportahan din nito ang suhestyon ni Laurel na maibaba sa mga pamilihan, lalo na sa Kadiwa centers ang mura at sariwang isda, manok at iba pang produktong agrikultural.

“Our goal is to lower food prices while protecting local farmers and producers. We hope to do this by increasing local procurement and adjusting import tariffs,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nanawagan din ang House Speaker para sa isang “whole of nation” na pagtugon sa krisis sa bigas.

Nangangailangan aniya ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, market players at local producers para maisakatuparan ito.

“DA should talk to traders to avoid hoarding and price manipulation,” giit pa ng lider ng Kamara.

Makakaasa din aniya ng buong suporta mula sa Kamara de Representantes sa pagkamit ng hangarin ni Pangulong Marcos na maibaba ang presyo ng bigas at matiyak na sapat ang suplay nito.