Speaker Romualdez pinuri Timor-Leste sa pagbasura sa asylum application ni Teves

270 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Timor-Leste sa pagbasura nito sa asylum application ni Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Kasabay nito ay muling hiniling ni Speaker Romualdez kay Teves na umuwi na sa bansa upang magampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Kamara de Representantes at harapin ang mga alegasyon kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

“Sana naman umuwi na si Cong. Arnie Teves para magiging moot na ‘yung suspension at gusto talaga nating bumalik siya at humarap talaga sa mga charges sa kanya,” ani Speaker Romualdez.

“Na-deny na yung political asylum nya, dapat talaga bumalik at kung hindi, there may be another Ethics (Committee) recommendation for further sanctions against Cong. Teves,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Si Speaker Romualdez ay kasama sa delegasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit kung saan ang Timor-Leste ay isang observer.

Ayon kay Speaker Romualdez ang Timor-Leste ay nasa “solid ground” sa desisyon nito na ibasura ang aplikasyon ni Teves at hindi umano ito magugulat kung magpapasalamat si Pangulong Marcos sa kanilang ginawa.

“I wouldn’t be surprised if he would just acknowledge and thank the Timor-Leste leader for the action taken by his government because that is the right course of action … President Marcos is one who is very, very respectful of protocol and processes, due process,” sabi ng kinatawan ng Leyte.

“Obviously it has come to the knowledge of the government of Timor-Leste that there are indeed pending charges and more allegations…they are aware that when he (Teves) left the country that these weren’t apparent,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Inaprubahan ng Kamara ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na suspendihin si Teves ng 60-araw matapos itong mabigong umuwi sa kabila ng pag-expire ng kanyang travel authority.

Dahil suspendido, sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga prebilihiyo at immunity ni Teves ay suspendido rin.

“Right now ay suspendido siya ngayon, wala siyang rights or mga privileges sa Kongreso. The rights, privileges and immunities of a congressman are for the discharge of the legislative functions that he has, to make sure that he can perform as a legislator in the service of his constituents,” dagdag pa ni Romualdez. “Those rights, those privileges and those immunities are not meant for congressmen to use it to evade or to avoid justice.”