Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez sa DSWD, NCDA: Mag-update sa pagpapatupad ng batas sa VAT exemption ng PWDs

178 Views

HINILING ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) na magbigay ng ulat sa publiko at sa Kongreso kaugnay ng pagsunod sa batas na nagbibigay sa mga persons with disabilities (PWD) ng exemption sa pagbabayad ng value-added tax (VAT).

Hinimok din ni Speaker Romualdez ang Kamara de Representantes na gamitin ang oversight function nito at atasan ang angkop na komite para imbestigahan, upang makagawa ng angkop na batas, ang mga ulat kaugnay sa hindi tamang pagbibigay ng diskwento sa mga PWD gayundin sa mga senior citizens.

Si Speaker Romualdez ang pangunahing may-akda ng Republic Act (RA) 10754 o Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWDs).

Ang RA 10754 ay nilagdaan noong Marso March 23, 2016 ng noon ay Pangulong Benigno Aquino III, kung saan tinatayang 1.5 milyong PWD ang hindi na kailangan magbayad ng 12-porsyentong VAT sa ilang bilihin at serbisyo.

“We want to know from the government how the concerned people have been complying with this law. We should show malasakit (concern) over the plight of our PWDs,” sabi ni Speaker Romualdez.

“We just want to ensure that PWDs are enjoying the benefits they deserve under the law three years after its enactment. Let us work to beef up efforts in informing the public about the standards set by law for the rights and privileges of our PWDs,” dagdag niya.

Ang mga opisyal ng DSWD, NCDA, at Department of Health (DOH) ang gumawa ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10754.

Ang VAT exemption ay bukod pa sa nakukuhang 20-porsyentong discount ng PWD sa ilalim ng RA 9442, o An Act Amending RA 7277 o Magna Carta for Disabled Persons and for other Purposes. Saklaw nito ang pagbili ng gamot at partikular na pagkain para sa medical purpose, laboratory fee at professional fee ng mga doktor, pasahe sa air, sea at land transportation at funeral at burial services.

Lahat ng establisyemento ay inaatasan na maglagay ng abiso kung saan nakalahad ang lahat ng benepisyo at pribilehiyo ng mga PWD sa kanilang tindahan.

Kasama rin sa batas ang pagbibigay ng tax incentive sa mga nag-aalaga o nakatira kasama ang isang PWD hanggang sa ika-apat na antas ng affinity o consanguinity

Para naman makuha ang pribilehiyo, kailangan ipresenta ng PWD ang kanyang ID mula sa Persons with Disability Affairs Office o ng local Social Welfare Development Office kung saan siya naninirahan, pasaporte o iba pang ID na mula sa NCDA.

Pinaiimbestigahan din ni Romualdez sa DSWD, NCDA, at Kamara ang posibleng pag-abuso ng ilang indibidwal sa paggamit ng naturang pribilehiyo na dapat ay ekslusibo lamang sa mga PWD.

“Only legitimate PWDs should benefit from the law,” giit ni Speaker Romualdez.