Martin5

Speaker Romualdez sa mga kandidato sa eleksyon: I-prayoridad pagpapababa ng presyo ng bigas

20 Views

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga kandidato sa paparating na midterm elections 2025 na gawing prayoridad ang mga hakbang na magpapababa sa presyo ng bigas.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na maipagpatuloy ang mga pagsisikap upang makamit ang pangmatagalang solusyon.

Binigyang pagkilala rin ni Speaker Romualdez ang maagap na hakbang ng gobyerno, kabilang ang pagdeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency, na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng buffer stocks ng National Food Authority (NFA) upang patatagin ang presyo ng bigas at tiyakin ang abot-kayang suplay para sa mga mamimili.

Dagdag pa rito, itinakda ng DA ang pinakamataas na suggested retail price (SRP) na Php49 kada kilo para sa imported rice simula Marso, habang ang NFA rice ay ibinebenta sa halagang Php35 kada kilo upang matulungan ang mga low-income na mamimili.

Layunin ng mga hakbang na ito na pigilan ang “hindi pangkaraniwang” pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa, sa kabila ng pagbaba ng gastos sa pandaigdigang merkado at mga buwis sa importasyon.

Hinikayat ng Speaker ang kanyang mga kapwa mambabatas at mga kandidato na direktang makipag-ugnayan sa kanilang mga nasasakupan upang suriin ang tunay na epekto ng mga polisiyang ito. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng aktwal na pagbisita sa mga komunidad upang matiyak na ramdam ng mamamayan ang benepisyo ng mga pambansang patakaran.

Ipinunto rin ng lider ng Kamara ang mahalagang papel ng Quinta Comm, o Murang Pagkain Supercommittee, sa pagsubaybay sa pagpapatupad ng food security emergency at pagtitiyak na epektibong natutugunan ang pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng bigas.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng tapat at maayos na pamamahagi ng suplay ng bigas, pati na rin ang responsableng paggamit ng pondo para sa programang ito. “Kasangga ng Murang Pagkain Supercommittee ang lahat ng ahensya ng gobyernong nakatutok sa presyo ng bigas para siguruhing walang abuso, episyente ang pagpapatupad ng mga polisiya, at mabilis ang aksyon,” pagdidiin pa ni Speaker Romualdez.

Habang pansamantalang solusyon ang pag-angkat ng bigas upang punan ang kakulangan sa suplay, iginiit ni Speaker Romualdez na ang tunay na solusyon ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon upang matiyak ang pangmatagalang suplay ng bigas.

Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang average na farmgate price ng tuyong palay noong Enero 2025 ay Php20.69 kada kilo, bahagyang bumaba mula sa Php20.70 noong Disyembre. Gayunpaman, ito ay mas mataas ng 17.69 porsyento kumpara sa Php17.58 kada kilo noong Hunyo 2022, ang huling buwan ng nakaraang administrasyon.

Binanggit din ni Speaker Romualdez na nagsisimula nang magbunga ang mga pamumuhunan ng gobyerno, tulad ng mga inilaan mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Gayunpaman, iginiit niya na hindi sapat ang pagbibigay lamang makinarya at pinansyal na suporta—dapat itong sabayan ng malawakang pagsasanay at siguradong access sa merkado para sa mga magsasaka.