Martin1

Speaker Romualdez sa mga sinabi ng mag-amang Duterte: Budol-budol na mga storya

145 Views

HINAMON ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian Duterte na patunayan ang kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sinabi ni Romualdez na maaaring ang mga sinabi ng mag-amang Duterte sa ginaganap na rally sa Davao City noong Linggo ng gabi ay “budol-budol stories” na naman.

“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan dyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” ani Speaker Romualdez sa isang Party Leaders Caucus noong Linggo ng gabi.

Nanawagan si Mayor Duterte kay Pangulong Marcos, ang Pangulo ng bansa na nakakuha ng pinakamalaking mandato sa kasaysayan ng bansa at nakakuha ng mahigit 31 milyong boto na bumaba sa puwesto.

Sinabi naman ni dating Pangulong Duterte na si Pangulong Marcos ay nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Itinanggi naman ito ng PDEA at sinabi na kahit kailan ay hindi nasama si Marcos sa naturang listahan.

“Uulitin ko, tigilan nyo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang na lang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag sya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo,” dagdag pa nito.

“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas.”

Sinabi ni Speaker Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyong binitiwan ng dating Pangulo.

“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si President Ferdinand R. Marcos ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilian mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Iginiit si Speaker Romualdez na si Pangulong Marcos ay masipag at popular na pangulo habang si Duterte ay nahaharap naman sa mga akusasyon kaugnay ng uri ng ginawa nitong pamumuno.

“Please lang dapat magkaisa ang buong Pilipinas. Baka meron kayong mga concern or issues na kailangang harapin mo ‘yung batas na baka nilabag mo noon sa administrasyon mo,” wika pa ni Speaker Romualdez.

“Tigilan mo nalang ‘yan kasi ‘yung Presidente nagtatrabaho ng maigi at nakikita ng buong mundo nagkakaisa na ang Pilipinas, mukhang kayo lang dyan sa Davao ay gumagawa nalang ng mga istorya,” dagdag pa nito.