House Speaker Martin Romualdez Speaker Martin Romualdez House Speaker Martin Romualdez muling nagbabala sa mga rice traders na maghinay sa kanilang kasakiman matapos magsagawa ng ocular inspection sa Bulacan.

Speaker Romualdez sa rice traders: Maghinay-hinay sa kasakiman

Mar Rodriguez Aug 25, 2023
265 Views

House Speaker Martin Romualdez MULING nagbabala si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez sa mga tuso at ganid na rice traders na: “Maghinay-hinay kayo sa inyong kasakiman. Ilabas na ninyo ang mga bigas sapagkat nakaka-awa na ang mga taongbayan”.

Ang naging pahayag ng House Speaker ay kasunod ng kanilang pagkakatuklas na tatlong buwang iniipit o hino-hoard ng mga tusong rice traders sa kanilang mga warehouse ang napakaraming supply ng bigas.

Nagsagawa ng fact-finding mission sina Speaker Romualdez kasama sina ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo, Quezon 1st Dist. Cong. Wilfredo Mark M. Enverga, Bulacan 5th Dist. Cong. Ambrocio Cruz, Jr. at ACT-CIS Party List Cong. Edvic G. Yap sa FS Mill at Intercity Industrial Complex, San Juan Balagtas, Bulacan.

Sa isinagawa nilang ocular inspection, napag-alaman nina Romualdez na tatlong buwan ng iniipit ng mga rice traders ang kanilang supply ng bigas sa layuning sundan nila ang international market price ng bigas para mas lalo pa nilang mapataas ang presyo nito sa merkado.

Binigyang diin ng House Speaker na sa pangyayaring ito, napatunayan na talagang mayroong nangyayaring hoarding o pang-iipit sa supply ng bigas para mas mapataas ng mga traders ang presyo nito na lalo naman nagpapahirap sa mamamayang Pilipino partikular na sa mga mamimili.

Dahil dito, pinayuhan ni Speaker Romualdez ang mga tinawag nitong “unscrupulous” o mga walang konsensiyang traders na maghinay-hinay sa kanilang kasakiman o greed at sa halip ay isa-alang alang ang kapakanan ng taongbayan. Kasunod ng kaniyang panawagan na ilabas na nila ang mga naka-imbak na bigas.

“Yung assessment talaga natin. Sapat na supply lalo na yung galing sa ibayong dagat pero mataas na rin yung presyo, pero nakita natin na sapat ang supply ng bigas pero medyo matagal ng naho-hold. Dapat kung ano yung pinasok, dapat ilabas kaagad, ibaba agad ang presyo at sa reasonable price,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Ayon sa House Speaker, mayroon umanong sapat na supply ng bigas kaya hindi maaaring sabihin na may krisis sa bigas. Subalit nagkataon lamang aniya na iniipit ng mga traders ang mga bigas sa kanilang mga warehouse bunsod na lamang ng kanilang kasakiman o greed.

“Ang gusto lang natin malaman kung ano ang sitwasyon dito at nakikita natin na sapat ang supply ng bigas. Nakita rin natin na ang iba dito ay halos 3 months ng iniipit dito sa kanilang warehouse. So dapat ng ilabas iyan, hoarding na ang tawag diyan. I asked them to moderate their greed,” ayon kay Romualdez.

Sinabi naman ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na dapat magsampa ng kaso ang pamahalaan laban sa mga rice traders na natuklasang iniipit o hino-hoard ang supply ng kanilang bigas upang magsilbing leksiyon sa iba pang traders na ang iniisip ay ang kumita.

Binigyang diin ni Valeriano na nararapat lamang na bigyan ng leksiyon ang mga rice traders upang maramdaman nil ana seryoso ang gobyerno na sawatain ang mga kagaya nila na ang iniisip at inuuna ay kung paano kumita ng malaki. Sa halip na isa-alang-alang nila ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.