Calendar

Speaker Romualdez: Solar irrigation hatid ay bagong pag-asa sa mga magsasaka, susunod na henerasyon
IGINIIT muli ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paninindigan ng Kongreso na palawakin ang access sa makabago at sustenableng mga sistema ng patubig gaya ng solar-powered pump irrigation projects (SPIP) na makatutulong sa mga magsasaka at kanilang komunidad.
Sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng P50-milyong Castañas Centro Communal Irrigation System (CIS) sa Barangay Castañas, Sariaya, Quezon, binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang proyekto—na maghahatid ng tubig sa may 50 hektaryang taniman at pakikinabang ng 33 pamilyang magsasaka—ay hindi lamang simpleng pagpapatayo ng imprastruktura.
“Narito tayo para magbukas ng mas malaking oportunidad para sa ating mga magsasaka at sa buong komunidad ng Sariaya,” ani Speaker Romualdez. “Simple ang layunin: siguraduhin na ang bawat tanim, bawat ani, at bawat pangarap ng ating mga magsasaka ay hindi mauubos dahil sa kakulangan ng tubig.”
Binigyang-diin niya ang konkretong benepisyo ng solar irrigation, na nagpapagaan ng pasanin ng mga magsasaka.
“Sa halip na gumastos ng hanggang P80,000 kada cropping season para sa diesel, ngayon po ay solar-powered na ang ating patubig—mas mura, mas maaasahan, at mas maka-kalikasan,” aniya.
Iginiit ni Speaker Romualdez na ang pagsuporta sa mga praktikal at makamasang proyekto tulad ng SPIPs ay pangunahing prayoridad ng Kongreso.
“Ito ang klase ng mga proyektong inuuna ng Kongreso: praktikal. Direktang nakikinabang ang tao. Hindi drawing. Hindi papel,” giit niya.
Ang paninindigang ito ay hindi lamang para sa Sariaya. Sa 2025 Nationwide National Irrigation Administration-Irrigators Association (NIA-IA) Congress noong nakaraang buwan, nangako si Speaker Romualdez ng patuloy na suporta mula sa Kongreso para sa SPIPs sa buong bansa, dahil sa papel ng mga ito sa pag-angat ng mga pamayanang agrikultural.
Pinuri rin ni NIA Administrator Eduardo Eddie G. Guillen ang mga hakbang ng Kamara at sinabing ang SPIPs ay mas mabilis at mas mura kumpara sa tradisyonal na mga sistema ng patubig—na nagkakahalaga lamang ng P200,000 hanggang P300,000 kada ektarya, kumpara sa P1.2 milyon kada ektarya para sa mga karaniwang proyekto.
Ayon kay Guillen, nakapagtapos na ang NIA ng humigit-kumulang 1,000 SPIPs noong 2024 at nasa landas na rin upang makumpleto ang panibagong 1,000 ngayong taon.
Binanggit ni Speaker Romualdez na malaki ang itinaas ng badyet ng NIA sa nakaraang dalawang taon dahil sa inisyatiba ng Kongreso.
“Alam natin ang kahalagahan ng patubig sa pagpapaunlad ng produksyon at agrikultura. We are committed to providing NIA with appropriate funding support for the expansion of our irrigation system to help boost the productivity and uplift the lives of our farmers,” aniya.
Hinimok niya ang komunidad na pangalagaan ang bagong sistema: “Kaya’t hinihikayat ko kayong pangalagaan, pagyamanin, at palakasin ang mga benepisyo ng proyektong ito—para sa inyo, para sa inyong mga anak, para sa susunod pang mga henerasyon.”
“Ang tagumpay ninyo, tagumpay ng buong Pilipinas,” ani Speaker Romualdez.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang Castañas Centro CIS ay patunay kung paanong maaaring magsama ang inobasyon, renewable energy at pagkilos ng pamahalaan upang bumuo ng mas matatag na kinabukasan para sa mga magsasaka at sa buong bansa.