Speaker Romualdez Sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Senate President Chiz Escudero. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez, SP Chiz tiniyak: 2025 nat’l budget malalagdaan ni PBBM bagko mag-Pasko

Chona Yu Sep 25, 2024
93 Views

TINIYAK ng dalawang lider ng Kongreso na malalagdaan n ani Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2025 national budget bago sumapit ang Pasko.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na ipinasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10800 at agad na ita-transmit sa Senado lalot certified urgent ito ni Pangulong Marcos.

Ginawa ni Romualdez ang pahayag matapos ang ika-anim na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Palasyo ng Malakanyang.

“Iyon talaga ang hangarin natin ay para merong maligayang Pasko, hindi lang para sa administrasyon pero para sa taong bayan, na meron tayong isang national budget for progress, prosperity and development para sa buong sambayanang Pilipinas,” pahayag ni Romualdez.

Sinabi naman ni Escudero na umuusad na ngayon ang deliberasyon ng finance panel ng Senado.

“At inaantabayanan namin ang pagbigay sa amin ng approved version ng tinatawag nating GAB o General Appropriations Bill galing sa Kamara upang magsimula na ang talakayan kaugnay ng 2025 budget sa plenaryo ng Senado,” pahayag ni Escudero.

“Sa ngayon on schedule ang mga pagdinig sa komite ng Senado at inaasahan namin na ito ay maaprubahan ng may sapat na panahon para ito ay mabasa at mareview ng Pangulo kaugnay ng mga line item veto na maari niyang gawin sa panukalang budget at maging ganap na batas ito bago matapos ang taon,” dagdag nI Escudero.

Nasa P5.268 trilyon ang panukalang budget para sa susunod na taon. Mas mataas ito ng 9.5 porsyento kumpara sa kasalukuyang pondo.