Martin2

Speaker Romualdez: Suporta ng mga Pinoy patunay na tama ang pagkakaroon ng Maharlika Fund

202 Views

ANG pagsuporta umano ng mga Pilipino sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) ay patunay na tama ang direksyong tinatahak ng Kamara de Representantes.

Ito ang sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez matapos lumabas ang resulta ng Tangere survey kung saan mahigit kalahati ng mga respondent ang nagpahayag ng pagsuporta sa MIF.

“We are happy with the survey, which to us means that we are on the right track in advocating the establishment of this sovereign wealth fund, which is intended to benefit future generations of Filipinos,” ani Romualdez.

“It shows that our advocacy has the support not just of major business groups but of the general population as well,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Batay sa resulta ng mobile-based survey ng Tangere, 2,010 o 83.75 porsyento ng 2,400 respondents na natanong ang pamilyar o mayroong alam sa MIF.

Sa bilang ng mga nakaka-alam sa MIF, mahigit kalahati o 54.08 porsyento ang pabor sa pagpasa ng panukalang ito, ayon kay Martin Peñaflor, CEO at Founder ng Tangere.

Nagsabi naman ang 21.84 porsyento na sila ay neutral at 24.58 porsyento ang hindi pabor sa pagsasabatas ng panukala.

Pabor naman ang 45.87 porsyento na ang panggalingan ng pondo para sa MIF ay ang mga government financial institutions.

Anim naman sa bawat 10 Pilipino ang pabor na ang Pangulo ang siyang mamuno sa Maharlika Investment Council, ang institusyon na mangangasiwa sa MIF.

Naniniwala naman ang 49.4 porsyento na maaaring makapaglagay ng mga panuntunan upang mabantayan ang pondo laban sa korupsyon.

Sinabi naman ng 65.47 porsyento na napapanahon ang pagkakaroon ng MIF at 56.67 porsyento ang naniniwala na ito ay makatutulong upang mapalago ang ekonomiya.

Nagsabi naman ang 57.86 porsyento na makatutulong ang MIF upang mapondohan ang mga mahahalagang proyekto ng gobyerno.

Naniniwala naman ang 73.14 porsyento na dapat maghanap ang gobyerno ng mapagkukuhanan ng pondo maliban sa pagtataas o pagpapataw ng bagong buwis.

Ang mobile-based survey ay isinagawa mula Disyembre 8 hanggang 10, 2022. Mayroon itong margin of error na 2.191%.

Ang mga respondents ay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa: 12 porsyento mula sa Metro Manila, 23 porsyento mula sa North at Central Luzon, 22 porsyento mula sa South Luzon, 20 porsyento mula sa Visayas, at 23 porsyento mula sa Mindanao.